Una sa Balita

Hindi balanseng pamumuhay sanhi ng pagdami ng kabataang mataba

0 332

Hindi na balanseng pamumuhay ang naibibigay ng ilang mga magulang para sa kani-kanilang mga anak na isa sa dahilan kung bakit patuloy sa pagdami ang mga kabataang matataba.

Sa pagpasok ng taong 2020, isa sa pangunahing problema ng Department of Health (DOH) ay ang mabilis na pagtaas ng bilang ng kabataang sobra sa timbang at hindi malusog ang pamumuhay.

Isa sa pangunahing dahilan ang iba’t ibang klase ng pagkain na napapanood sa telebisyon na gustong matikman ng mga bata o ang mga magulang mismo ang gustong ipatikim sa kanilang mga anak ang mga pagkaing walang sustansiya.

Hindi alintana ng marami ang resulta ng mga pagkaing maganda ang advertisement, lovable ang mascot, mara­ming bata ang natutuwa, wala ng pakialam ang ilang mga magulang kung puro asukal o vetsin basta masarap.

Walang ring magawa ang ilang magulang kahit alam nilang hindi mabuti ang ina-advertise na pagkain dahil konting iyak lang, konting lupasay ay nasusunod na ang mga bata kaya ang resulta ay mabilis na pagtaba.

Kaya malaking bagay ang isinumiteng panukalang batas ni Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr. na magkaroon ng karagdagang physical activities at traditional games sa K to 12 curriculum.

Ito ang S. No. 1121, “An Act Providing for the Mandatory Inclusion of Anti-Obesity Education Program and Exercise including Play and Traditional Games, in the Pre-School, Elementary and High School Curricula, Both in Public and Private Schools and Educational Institutions”.

Malaking bagay ito dahil sa ang kamalayan, pagpapahalaga at reponsabilidad ng isang tao para sa kaniyang sariling kalusugan ay dapat magsimula sa murang edad para maging malusog at makaiwas sa mga sakit.

Lumalabas kasi sa 8th National Nutrition Survey na isinagawa mula Hunyo 2013 hanggang Abril 2014 ng Food and Nutrition Research Institute (FMRI), 5 porsiyento ng mga bata na may edad 0-5 at 8.3 porsiyento ng mga batang may edad 10-19 ay sobra sa timbang, samantalang 31.1 porsiyento ng mga mas may edad ay nagdurusa sa clinical obesity.

Base sa pananaliksik, ang paglaganap ng sobra sa timbang sa mga batang may edad na 0-5 ay patuloy ang pagtaas at ang average na 0.17 porsiyento taun-taon sa loob ng nagdaang 24 na taon ay umiiral.

Ang paglaganap naman ng sobra sa timbang sa mga school-age at adolescent groups ay tumaas ng 0.33 porsiyento at 0.34 porsiyento ayon sa pagkakasunod sa loob ng 10 taon.

Hindi lang pagkain ang pangunahing dahilan ng labis na timbang sa mga bata kung hindi ang sobrang pagkahilig sa gadget tulad ng laptop o cellphone na halos maghapong nakaupo sa pagkagumon.

Maraming mga bata ang patuloy ang paggamit ng gadget kahit nasa harap mismo ng hapag-kainan kaya hindi na nila namamalayan ang dami ng kanilang nakakain.

Nakakaalarma na ang mabilis na pagtaas ng overweight at obesity rate sa bansa , marami sa ating mga kababayan ang naglalakad na parang ‘time bomb’ na puwedeng sumabog dahil sa katabaan anumang oras.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More