Una sa Balita

Hindi 9, hindi 12

0 579

Noong nakaraang linggo naging abala ang mataas na kapulungan dahilan sa isyu ng pagpapababa ng edad ng criminal liability.

Mukha namang sumasang-ayon sila sa publiko na hindi syam na taon, kundi ayon sa ilang mga senador ay 12 taong gulang. Tila nakakatawa lang isipin na may pagkarandom ang pagpili nila ng edad. Animo’y nume­rong binubunot sa inaalog na mga numero sa bingo.

Wala pang napagpasyahan ang mga senador at nasa yugto palang sila ng pagdedebate kung ano ang mas “mainam” na edad.

Dahilan sa ito ay utos ng nakatataas, hindi magkamayaw ang mga pabor na senador sa pagpapasa nito. At para lang mapagbigayan ang kagustuhan na ito, tila huminto na ang imahinasyon at naging manhid na ang mga senador na mga ito. Natural, ang ilang mga nag-iisip at may tunay na malasakit sa mga bata ay binabatikos, hindi man lang pinakikinggan ang argumento. Si Senador Risa Hontiveros ay nabatikos pa sa kanyang posisyon sa ‘di niya pagsang-ayon sa panukala.

Gayunpaman, ang pagpili ng edad ay hindi parang naisip lang at para lang pagbigyan ang kagustuhan ng humihi­ling kundi dapat ito’y pinag-iisipan nang mas malaliman. At dapat binibigyan ng konside­rasyon ang paigtingin at rekomendasyon ng mga eksperto o doktor sa ganitong larangan.

Naaalala ko na ako’y siyam na taong gulang noong ideklara ang Batas Militar. Ang ‘di ko maintindihan noon ay kung bakit sa aming bayan ay napakara­ming mga sundalo sa kalsada at bawal banggitin o pag-usapan ang pangalan ng diktador na si Pangulong Ferdinand Marcos. At dahil ako’y bata, bumalik lang ako sa pagla­laro sa a­ming bakuran.

Kaya hindi ko lubos maunawaan kung bakit ipagpipilitan na ang batang siyam man o 12-anyos ay kaya nang isipin at pagpasyahan na gumawa ng krimen.

Naniniwala ako na ‘yung mga nalagay sa ganitong sitwasyon ay ‘di dahil ginusto nila ito. Katulad nga ng lagi binabanggit na dahilan na nagagamit sila sa pasahan ng droga. Kung makabintang sa mga bata ay tila nag-apply ang mga ito para maging runner.

Ang mga batang ito sa murang edad ay napagsasamantalahan ng mga matatandang sangkot sa mga krimen. Dahil sa maaari silang lokohin at marahil naaakit sa pera, madali silang pagsamantalahan. At lalo pang nagiging vulnerable kung ang isang bata ay mahirap. Walang makain. Wala sa eskuwela. Walang maayos na bahay.

Hindi siyam, hindi 12. Ang mga batang nasa ganitong kalagayan ay biktima. Hindi ang gawin silang kriminal ang kasagutan sa sitwasyong ito, kundi maayos sa social services. Hindi ang panukalang ito ang sagot, kundi mga batayang serbisyo sosyal ng pamahalaan.

Hindi syam, hindi 12. Kundi ang malalimang labanan ng mga argumento at rekomendasyon ng mga eksperto sa ganitong larangan. Hindi dahil sa kagustuhan ng isang tao.

Ang mga matatandang nasa senado at kongreso ang dapat magkaroon ng discernment, sa sinasabi ng tagapagsalita ng palasyo!
Hindi siyam, hindi 12!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy