Una sa Balita

Hinay-hinay sa smartphone at social media

0 469

Ngayong magpapasko, malamang na marami ang nagpaplanong magregalo ng tablet o smartphone sa mga anak o inaanak. Pero bago gawin ‘yan, mabuting mag-reseach muna tungkol sa mga posibleng masamang idudulot nito sa mga bata o kabataan.

Sa mga nakaraang araw, may mga bagong pag-aaral daw tungkol sa masamang dulot ng pagkakababad ng mga bata at kabataan sa cellphone at gadgets.

Siyempre kung may smartphone at Wi-Fi, kasama rin diyan ang social media — tulad ng Facebook.

Sa isang ulat, iniuugnay ang social media sa pagkakaroon o pag­lala ng depresyon ng isang tao na maaari pang humantong sa hindi maganda. Lalo na nga­yong magpapasko, tiyak na hindi lang kabataan ang maaaring makaramdam ng lungkod, kung hindi maging ang mga matatanda.

Kung dati eh nakakaramdam ng ‘inggit’ ang mga kapus-palad sa kalye sa mga nakikita nilang maayos na pamil­ya sa lansangan, ngayon ay mas malawak na ang paraan kung saan makakakita ng kaiinggitan — sa mga social media post.

Halimbawa, kung broken family ka at pangarap mo ang isang buong pamilya, tiyak na makakaramdam ka ng inggit sa mga happy family photo. Kung kapos naman ngayon ang pamilya dahil nawalan ng trabaho sila ermat at erpat, tiyak na inggit mode rin ang feelings mo sa mga post ng pamil­yang masagana.

Pero bukod kasi sa sadyang makakaramdam ka ng depresyon o kalungkutan sa kalagayan ng iyong buhay, makakadagdag din daw ng pagkainis ang kakulangan ng tulog na dulot pa rin ng pagse-cellphone. Kaya ang dapat gawin para makaiwas sa ‘inggit’ at nang hindi na lumalala ang lungkot, bawasan kung hindi man kaya na itigil ang paggamit ng cellphone at social media.

Tandaan na may mga HELPLINE na maaaring tawagan sakaling kaila­ngan mo ng kausap o payo mula sa taong hindi mo kilala para hindi ka mahihiya.

Siguro bukod sa mga hotline, maganda rin kung magkakaroon ng FB account ang mga organisasyong tumutulong sa mga nakararanas ng depresyon para maka-chat o makahuntahan sila sa Messenger.

Bukod sa epekto sa isip ng cellphone at social media, may masama rin daw itong epekto sa mga mata ng bata. Sabi sa isang report, batay raw sa halos dalawang taong pag-aaral ng Philippine Eye Research Institute, 10 percent ng mga batang nasa kindergarten ang may problema sa pani­ngin. At sa high school naman daw ay 14 percent.

Marami raw kasi sa mga bata ngayon ang hindi na lumalabas ng bahay at nakatutok na lang mga gadget at cellphone. Para raw ma-develop nang maayos ang mga mata ng batang nasa edad dalawa hanggang 12, kailangan nila ng natural sunlight ng dalawa hanggang tatlong oras.

Ang problema tiyak ng mga magulang, kapag hinayaan nilang maglaro sa labas ang mga anak nila, baka naman makidnap sila ng puting van na nangunguha ng bata, o kaya naman eh mabundol ng sasakyan, mapagtripan ng adik, o madamay sa tokhang.

Maliban sa kakula­ngan ng natural sunlight, nakasisira rin daw ng mata ang ‘blue light’ mula sa mga smartphone at tablet. Nakakaapekto rin daw ang blue light sa isip ng tao para hindi antukin at maging dahilan ng pagkapuyat. Kapag napuyat, nagi­ging aburido na maaa­ring humantong sa hindi maganda.

At kapag laging nasa bahay lang dahil sa cellphone at gadgets ang matanda o bata, nababawasan ang pagkakataon na makihalubilo siya sa iba.

Kaya kung plano pa ring magregalo ng smartphone at tablet, tiyakin na kakayanin ng pagreregaluhan ang mga posibleng problemang idulot ng modernong teknolohiya. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy