Una sa Balita

Hinay-hinay sa mandatory evacuation

0 316

Dapat ay maging­ maingat ang gobyerno sa pagpapairal ng mandatory evacuation sa mga biktima ng pagputok ng Bulkang Taal.

Ito ay kaugnay ng kautusan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mandatory evacuation sa 12 munisipalidad at dalawang siyudad sa Batangas na sakop umano ng danger zone.

Madaling sabihin na lumikas agad ang mga biktima ng kalamidad mula sa kanilang mga sariling tahanan.

Pero handa ba ang gobyerno sa pansaman­talang tutuluyan ng mga evacuee?

Kung maayos kasi ang evacuation center kahit na hindi na puwer­sahin na lumikas ang pamilya ng mga biktima ng kalamidad ay malamang na maki­pag-unahan pa ang mga ito sa paglilikas.

Tulad sa deklaras­yon ng gobyerno sa napakaraming lugar sa Batangas ay hindi naman nakahanda ang mga ito sa mga evacua­tion center na siyang pansamantalang tutuluyan ng mga biktima.

Kaya naman hindi maalis ang mga eksena na may nagpupumilit na bumalik sa kanilang tahanan upang asikasuhin ang mga naiwang kagamitan at mga ala­gang hayop.

Tulad na lang sa Lipa City na kasama sa mandatory evacuation ay balik na sa normal ang pamumuhay ng mga mamamayan doon pero tila ang DILG ay nagkulang naman sa pagsuri kung dapat pa bang ilikas ang mga apektadong residente.

Sana naman sa mga susunod na ganitong sitwasyon ay maging maingat ang gobyerno at tiyakin na maayos ang evacuation center at tiyakin din na kapag mag-uutos ng mandatory evacuation ay dapat na kailangan talaga ito.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More