Una sa Balita

Hilo sintomas na mahirap gamutin

0 366

Napakaraming­ dahilan ang pagdalaw sa doktor. Kadalasan ay may mga sintomas na nararamdaman. Isa sa mga madalas na maramdamang sintomas ay ang pagkahilo.

Nahihilo sa init, nahihilo sa ingay, nahihilo sa paligid, nahihilo sa pagkilos at paggalaw, nahihilo sa kung ano-ano pa. Sa totoo lang, ang hilo ay isa sa mga sintomas na mahirap gamutin dahil sa napakadaming dahilan na maaaring ma­ging sanhi nito.

Sa dinamirami ng posibleng dahilan, isa-isahin natin ang mga ito. Ang pinakamadalas na dahilan ay ang panlala­bo ng mata o ang error of refraction. Ang mga muscles ng mata na nagfofocus para makakita tayo ng mabuti ay maaaring mapagod kaya puwedeng mahilo.

Mainam magpati­ngin sa isang ophthalmologist o optometrist para ma­kita ang grado ng mata at magsalamin kung kinakailangan. Ang isa pang dahilan ay maaa­ring manggaling sa ­tenga. Ang vertigo o problema sa inner ear.

Equilibrium at ba­lanse kasi ang inaalalay nito, kung kaya’t pag naapektuhan, parang umiikot ang paligid.

Isa namang otorhinolaryngologist-HNS o ENT specialist ang puwedeng tumingin nito. May mga medical ding dahilan gaya ng anemia o pagkaputla ng dugo, o mga metabolic­ na kundisyon gaya ng diabetes at thyroid hormone problems.

Kailangan ng mga eksaminasyon sa dugo at mga internists naman ang puwedeng puntahan. Kung anemic, alamin ang dahilan at maaaring magbigay ng mga gamot o kung talagang mababa ay baka kailanganing sa­linan na ng dugo.

Gamot naman kung madiskubre na metabolic ang dahilan at mga endocrinologists o dia­betologists ang puwedeng puntahan. Kung minsan naman, sa utak ang maaaring dahilan kaya mga neurologists ang puwedeng sumuri. Mga CT scan, MRI, o EEG ang mga puwedeng ipagawa.

Maari ring sa sobrang kaiisip o ‘di kaya may emotional stress na dapat ma-differentiate sa anxiety o depression, psychiatrists o psychologists ang puwedeng kausapin.

Pero ang hindi napapansin ay kung nakakain ba ng sapat o hindi, kung nalipasan ba ng gutom kaya nahihilo, na tinatawag na hypoglycemia.

O dahil sa dinamirami ng mga party na napupuntahan dahil Christmas season at kaliwa’t kanan ang get together ay medyo napainom at napasobra ng paninigarilyo o kundi napakausok ng lugar, sanhi din ito ng panghihilo. O ‘di kaya kulang sa tulog dahil sa pagpuyat sa kung anumang dahilan.

Napakaraming dahilan simple man o kum­plikado, sanhi, at mga posibilidad. Iisa lang ang sintomas na irineklamo, ay panghihilo.

Nakakahilong isipin, kung kaya’t kapag ito ang sintomas na naram­daman, huwag nang mag-atubili at kumunsulta sa inyong doktor para magabayan kayo sa mga nararapat na gawin, kain, gamot o supplementation na inumin, at kung kinakailangan, mai-refer sa kinauukulang espesyalista.

Hanggang sa susunod na Martes!

***

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International­ College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, at radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing lingo 11am-12nn). Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy