Una sa Balita

Hilbay pumalag sa urong-sulong ng gobyerno sa WPS

By
0 584

BINANATAN ng senatorial candidate na si Pilo Hilbay ang “urong-sulong” na polisiya ng Duterte administration sa West Philippine Sea (WPS), na nagtutulak umano sa Pilipinas na maging dehado sa ­laban para sa teritoryo laban sa China.

Sa isang panayam, sinabi ni Hilbay na naisasantabi ang ligal na panalo ng pamahalaan dahil mas pinipili ng administrasyon na katigan ang China kaysa sarili nitong bansa.

“At iyong pag-urong natin, sa tingin ko ngayon, ay parang napakalayo na ang mga susunod na administrasyon,” ani Hilbay, na nagsilbing abogado ng pamahalaan ng Pilipinas nang dalhin nito ang laban sa Permanent Court of Arbitration.

“Kahit sino man po ang mahalal na presidente at Kongreso, malayo-layo po ang haha­bulin nila dahil naatras tayo nang napakalayo dito,” dagdag pa niya.

Para kay Hilbay, na kumakandidato sa ilalim ng Otso Diretso senatorial slate, dapat siguruhin na alam ng mga mamamayan ang mga pinapasok na usapan ng pamahalaan tungkol sa mga usapin gaya ng teritoryo ng bansa.

“Alam naman po natin na ang mga politiko, kapag hindi nabantayan ay puwedeng kung anu-ano ang gawin sa likod ng mga mamamayan. Pero kung mulat sa tamang impormasyon iyong mga mamamayan na tulungan ang ating mga politiko ng Senado, ng Kongreso, na ihain nang maayos ang mga issues, magi­ging maingay ang mga mamamayan at puwedeng magkaroon ng takot iyong mga politiko,” aniya.

Kasama ni Hilbay sa Otso Diretso slate sina Sen. Bam Aquino at Magdalo Rep. Gary Alejano; ang mga nagbabalik na lingkod-bayan na sina dating senador Mar Roxas at dating congressman Erin Tañada; at ang mga bago ring sasabak sa politika: ang iginagalang na human rights lawyer na si Chel Diokno, election lawyer na si Romy Macalintal, at si Samira Gutoc, isang bakwit mula Marawi na nagbitiw sa Bangsamoro Transition Commission bilang protesta sa pambabastos ng Pangulo sa kababaihan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More