Higit sa normal na dami ng ulan binabala ng Pagasa

Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na lumakas ang La Niña at magdadala ng higit sa normal na dami ng ulan mula sa darating na Disyembre hanggang Pebrero 2021 na maaaring maging sanhi ng mga pagbaha.
Sa isang press briefing, sinabi ng Pagasa na karamihan sa mga climate model ay nagmungkahi na ang isang katamtaman hanggang malakas na La Niña ay malamang na mananatili hanggang Mayo 2021.

Tinataya rin nito na hanggang sa apat na tropical cyclone o bagyo ang maaaring tumama o makaapekto sa bansa mula Disyembre hanggang Mayo sa susunod na taon.
“Due to La Niña, there is increased likelihood of above normal rainfall conditions that could lead to potential adverse impacts (such as heavy rainfall, floods, landslides) over highly vulnerable areas,” pahayag ni Pagasa climate monitoring chief Ana Liza Solis.
Sinabi pa ng Pagasa na sa darating na Disyembre, sa pangkalahatan ay makakaranas ang bansa ng higit sa normal na kondisyon ng ulan maliban sa ilang bahagi ng Mindanao. (IS)