Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

High blood at problema sa mata

0 10

Nakakatakot kapag gumising ka sa umaga na malabo ang iyong paningin, naduduling o talagang wala ka nang makita, lalo na kung may dati ka nang problema sa kalusugan tulad ng diabetes at hypertension.

Ang nakakabahala pa, kung hindi mo alam na mataas pala ang presyon ng dugo mo dahil wala ka namang ibang nararamdaman tulad ng pagkahilo o pananakit ng ulo – nanlalabo lang ang iyong mata.

Katulad ng may diabetes, ang mga mataas ang presyon ng dugo ay maaari ring magkaproblema sa mata, lalo na kung matagal nang hindi nakokontrol ang iyong blood pressure.

Sa pakikipagkwentuhan ko kay Dr. Noel Castillo, isang Pilipinong ophthalmologist na ngayon ay nagpa-praktis sa Washington State, sinabi niyang naaapektuhan ang retina ng isang taong mataas ang presyon ng dugo.

Ang retina aniya ay isang tissue layer na nasa likod ng mata. Ang layer na ito ang nagbabago sa ilaw para maging nerve signals na ipinadadala naman sa utak para himayin kung ano. Doon nalalaman ng utak kung ano ang nakikita ng isang tao.

Kumakapal ang mga dingding ng ugat na dinadaluyan ng dugo sa retina kapag sobrang taas ang presyon ng dugo o kung hindi ito nakokontrol. Dahil diyan, kumikitid ang ugat na dinadaluyan ng dugo at hindi nakakarating sa retina. Namamaga ang retina dahil dito.

Kailangan lang na maagang malaman kung ano ang nangyayari sa mata ng isang may high blood para maiwasan ang tuluyang pagkasira nito. Mache-check ito sa pamamagitan ng fundoscopy na titingin sa ugat ng mga mata, kung ito ay kumikitid o namatay na.

Nagbabala rin si Dr. Castillo na maaaring ma-stroke din ang mata, tulad ng nangyayari sa utak, kung hindi nakakarating agad ang oxygen sa mata dahil sa pagkakitid ng ugat o pagkakaroon ng blood clot.

Kaya ang payo ni Dr. Castillo, magpakonsulta at ipagamot ang hypertension, tigilan ang paninigarilyo, iwasan ang maaalat na pagkain, ikontrol ang blood sugar at kolesterol, iwasan ang stress, kumain gn mas maraming gulay at prutas at mag-ehersisyo.

Kapag lumala kasi ang hypertensive retinopathy, kakailanganin nang saksakan ng AntiVEGF ang pasyente para mailigtas pa ang mga mata nito. Ang antivascular endothelial growth factor drugs ay ang bevacizumab, ranibizumad o pegaptanib. Maaari ring i-laser ang namamagang retina o bigyan ng intravitreal injection ng corticosteroids.

Kaya kung mataas ang presyon ng dugo, kailangang regular ding patingnan ang mata para maiwasan ang tuluyang pagkabulag.

Leave A Reply

Your email address will not be published.