Una sa Balita

Hidilyn naka-2 bronze sa World Championships

0 231

UNTI-UNTING pinapaganda ni 2016 Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz ang kanyang tsansa na masungkit ang pinakaunang gintong medalya ng Pilipinas sa kada apat na taong Olimpiada sa pagwawagi nito ng dalawang tansong medalya sa ginaganap na International Weightlifting Federation World Championships sa Pattaya, Thailand Biyernes ng gabi.

Sinabi ng 28-anyos na tinanghal ding 2018 Jakarta Asian gold medalist na si Diaz na ninais niya talunin ang tatlong Chinese na nangunguna sa torneo kung kaya nahirapan siya sa simula bago nagawang makumpleto ang snatch saka nito iniuwi ang tansong medalya sa clean and jerk at overall total lift.

“Hi good morning po, medyo nakikita na po ang chances na manalo pero kailangan ko po maglaro hanggang April 30,” sabi ni Diaz sa Abante/Abante Tonite ilang oras matapos sumabak sa women’s 55kgs. na sinalihan ng kabuuang 52 lifters sa buong mundo.

“Namental-block po ako mixed of pressure, anxiety and gigil. Gusto ko talunin si China. Wala, na-out of focus siguro,” sabi ni Diaz, na nagtala ng ‘no lift’ sa una at ikalawang tangka sa snatch bago nakumpleto sa ikatlong tsansa ang 93kgs.

Hindi nito problema ang clean and jerk matapos itala sa unang lift ang 115kgs., 118kgs. sa ikalawa at 121kgs. sa ikatlo.

Kinakailangan ng Airwoman Sergeant na si Diaz ipagpatuloy ang pagsabak sa limang nalalabing Olympic qualifying tournament upang masubok ang kakayanan na maabot ang itinalang record ng dalawang nangunang Chinese at madagdagan ang nakuhang puntos sa torneo na makakaapekto sa kuwalipikasyon sa 2020 Tokyo Olympics.

Iniuwi ni Zhang Wanqiong ng China ang ginto sa snatch sa binuhat na 99kgs. habang ang kababayan nitong si Liao Qiuyun ang pilak sa 98 kilograms.

Inagaw ni Muattar Nabieva ng Uzbekistan ang tanso kay Diaz na nagkasya sa ikawalong puwesto. (Lito Oredo)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy