Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Hidilyn bubuhat sa Uzbekistan

0 11

PAMUMUNUAN ni 2020 Tokyo Olympic Games gold medalist Hidilyn Diaz ang 11-kataong delegasyon ng Pilipinas na nakatakdang sumabak sa World Weightlifting Championships na gaganapin sa Tashkent, Uzbekistan sa Disyembre 11-17.

Makakasama ni Diaz sa koponan sina Fernando Agad na sasabak sa men’s 55kgs, John Ceniza sa 61kgs, Dave Lloyd Paculdo sa 67kgs at John Tabique sa 96kgs category.

Kabilang sa women’s team sina Mary Flor Diaz sa 45kgs, Elien Perez 49kgs, si Hidilyn sa 55kgs, ang Tokyo Oympian na si Elreen Ando sa 59kgs, Margaret Colonia sa 64kgs, Kristel Macrohon sa 71kgs at Vanessa Sarno sa 76kgs division.

Anim sa koponan ang naging 2019 SEA Games medalist na sina Ceniza na nakapilak sa 55kgs, Mary Flor Diaz na tanso sa 45kgs, si Hidilyn na ginto sa 55kgs, si Ando na pilak sa 64kgs, si Colonia na pilak sa 59kgs at si Macrohon na ginto din sa 71kgs.

Apat naman ang nagwagi ng medalya sa ginanap na Asian Championships sa Tashkent noong Abril na si Mary Flor na pilak sa 45kgs, Ando na pilak sa 64kgs, Macrohon na tanso sa 76kgs at si Sarno na ginto sa 71kgs.

May pagbabago din sa representasyon sa weight divison sa pool kung saan si Ando ay bababa sa timbang mula sa 64 tungo sa 59kgs, si Ceniza ay aangat mula sa 55 tungo sa 61kgs, si Macrohon ay magpapababa mula 76 patungo sa 71kgs at si Sarno ay aakyat mula 71 tungo sa 76kgs.

Matatandaan na si Hidilyn ay nagpalipat-lipat din ng timbang sa Olympics kung saan sumabak ito sa 58kgs noong 2008 Beijing at 2012 London, nasa 53kgs sa 2016 Rio at 55kgs ngayong taon sa Tokyo. (Lito Oredo)

Leave A Reply

Your email address will not be published.