Una sa Balita

Hidilyn, 6 pa sasabak sa Olympic qualifying game

By
0 178

NAGTUNGO na si 18th Asian Games gold medalist Hidilyn Diaz at 6 na iba pang weightlif­ters, Lunes nang hapon tungo sa Ashqabat, Turkmenistan para si­mulan ang pagtipon ng qualifying points para sa 2020 Tokyo Olympics.

Si Diaz, unang Pinay Olympian na nagwagi ng silver medal sa 2016 Rio De Janeiro Olympics, ay sasabak sa una sa 6 na qualifying tournaments na sanction ng International Weightlifting Federation (IWF).

Hindi pa man halos nakakapagpahinga matapos na putulin ang mahigit 50 taong pagkauhaw sa gold medal sa weightlifting sa 18th Asian Games noong Agosto, bibitbitin naman ngayon ni Diaz ang pito-kataong de­legasyon ng beterano at mga papaangat na batang weightlifter sa IWF World Championships Nobyembre 1-10.

“The more athletes po na makapag-qualify, mas malaking chances natin na tuluyang maputol ang pagkauhaw at  maiuwi ang unang gold ng Pilipinas sa Olympics,” ani Diaz sa 10-araw na torneo.

Ipinaliwanag ng bagong upong national head coach na si Leonardo Llena na target ng koponan ‘di lamang makapag-uwi ng medalya kundi masungkit ang pinakamataas na puntos kada isa sa torneo upang mas marami ang makapasok sa iba’t ibang paglalabanang kategorya.

Ang beterano na sa World Championships na si Diaz ay nakatakdang lumaban sa bago nitong weight category base sa bagong desisyon na iniimplementa ng namamahalang IWF na 55kgs.

Matatandaang si Diaz ay lumalaban sa mas mababang weight category na 53kgs.

Sasamahan si Diaz ng kapwa Zamboangeño at Olympian na si Nestor Colonia, na sasagupa sa men’s 61kgs at ang national team member na si Jeffrey Garcia sa men’s 67kgs.

Kasama din sa delegasyon ang mga batang weightlifter na sumabak sa nakalipas na 2018 Asian Games na sina  Rose Gie Ramos na bubuhat sa 45kgs, Ellen Rose Perez sa 49kgs, Elren Ann Ando sa 59kgs at Kristel Macrohon, 71kgs.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy