Una sa Balita

HGC nilayasan ng developer, 2B lugi sa pabahay

By
0 758

NALUGI ang admi­nistrasyong Duterte ng mahigit P2 bilyon mula sa naudlot na joint venture agreement (JVA) sa pagitan ng Home Guaranty Corporation (HGC) at pribadong developer para sa isang housing project sa Rod­riguez, Rizal.

Sa kanilang annual report, nasilip ng Commission on Audit (COA) na umabot lang sa P525.475 milyon mula sa napagkasunduang P3.02 bilyong halaga ng kontrata ang naibayad ng developer simula noong 2008 hanggang 2017.

Gayunman, lumilitaw sa record ng pagpupulong ng HGC na umabot lang sa 39.90 porsiyento ang naisaayos na lupa at 44.39 porsiyento ang naita­yong bahay ng develo­per kung kaya 17.9 porsiyento lang o katumbas ng P540.58 milyon mula sa inaasahang P3.020 bilyong kita ang napasakamay ng HGC.

Abante Hiring – IT dep

Dahil dito kung kaya kinuwestiyon din ng COA ang HGC sa P38,688,588 milyon na hindi kasama sa recorded remittance ng developer.

Ayon sa kanilang kasunduan, tatapusin ng developer ang kons­truksiyon at pagsasaayos sa residential at commercial subdivision sa 242.65 ektaryang pag-aari ng HGC sa Rod­riguez, Rizal sa loob ng limang taon simula 2008 hanggang 2013 ng ayon sa inapruba­hang disenyo ng Hou­sing and Land Use Regu­latory Board (HLURB).

Gayunman, bigo ang HGC na obligahin ang developer na magbayad matapos nitong baliin ang kanilang kontrata at hindi na itinuloy ang konstruksiyon ng nasabing housing project.

Sa pagnanais na makabawi, nagpakita pa ng kaluwagan ang HGC dahil sa inaprubahan nilang resolusyon na pumapayag silang ituloy pa rin ang JVA sa susunod pang pitong taon.

Samantala, dahil sa terminasyon ng kontrata, inirekomenda ng COA sa HGC na kasuhan ang developer ng breach of contract dahil sa kabiguan nitong tapusin ang kanilang kasunduan gayundin ng pagpapalit ng bagong developer na magtutuloy ng proyekto.

Inatasan din ng komisyon ang HGC na kuwentahin ang danyos mula sa natigil na kontrata at pabayaran ito sa developer.