Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Heto na naman tayo

0 99

Tumataas na naman ang bilang ng kaso ng COVID. Alert Level 3 na naman ang NCR, at naghihigpit na uli ng travel restrictions sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Nagkaka-panic buying ng paracetamol. Marami na naman ang nangangamba hindi lang para sa kalusugan nila at ng kanilang mahal sa buhay, kundi pati na rin sa kanilang trabaho at kabuhayan.

Bagong taon, parehong hamon.

Nangyari na ito noon. Dalawang taon na tayong nasa anino ng pandemyang ito, kaya alam na rin natin na sa ganitong sitwasyon, numero uno dapat ang mabilis at maaasahang suporta at serbisyo ng pamahalaan. At gaya noon, olats pa rin ang tugon ng gobyerno: Hanggang ngayon, wala pa ring kongkretong plano at programa para maampat ang nagbabadyang surge ng COVID cases. Ang masaklap pa, puro na naman pananakot ang naririnig natin mula sa kinauukulan: “Kung hindi kayo magpabakuna, e di mamatay na kayo.”

Pero kung may paghuhugutan man tayo ng pag-asa, ito ‘yun: Wala ring nagbago sa Tanggapan ni Leni Robredo. Maliit pa rin ang pondo, kulang pa rin ang mandato, pero una pa rin sa pagresponde – bagay na handa at mabilis na nagagawa ng OVP, dahil mag-a-anim na taon na itong ginagawa ng opisina niya.

Unang araw pa lang ng pag-spike ng mga kaso, sinimulan na uli nila ang Swab Cab na nagbibigay ng libreng testing. Patuloy din ang pagsagot ng kanyang opisina sa mga nanghihingi ng medical assistance, na sa kasamaang palad ay dumadami na rin. Nung isang araw naman, nagpalabas din si Leni ng isang “call for volunteers” dahil pinaiigting nila ngayon ang Bayanihan e-Konsulta – lalo na dahil ilang minuto pa lang ay napupuno agad ang 400 slots na pinaghahandaan ng OVP araw-araw sa telemedicine service na ito.

Related Posts

Habang tumatagal, lalo talagang nagiging malinaw: si Leni ang lider na makakatulong sa ating malampasan ang mga pagsubok na kinakaharap ng bansa ngayon. Gising nang madaling-araw tuwing may sakuna, at nakaabang para magbigay ng updates at saklolo. Una lagi sa mga lugar na malubhang tinatamaan ng bagyo – kahit sariling kalusugan ang nalalagay sa peligro. Sa lahat ng naging kilos niya ngayong pandemya, nakita natin: Laging siyang may plano, klaro ang latag ng mga hakbang, nakabase sa siyensya ang mga programa’t polisiya, at laging may malasakit para sa siguradong tatamaan na naman ng paghigpit ng guidelines ayon sa mga alert level na ipapatupad.

Ito ang katotohanang hindi mabubura ng kahit gaano pa karaming troll at influencer na naninira kay Leni. Alam ito ng milyun-milyong Pilipino na nakita ng sarili nila mismong mga mata kung gaano kahusay ang kanyang pamumuno. Ang fake news, hanggang social media post lang; pero ang tunay at personal na paglilingkod, na nakikita at napapakinabangan mismo ng mga natutulungan nito, ramdam na randam may internet man o wala.

Kaya ang payo ko sa mga troll, kung nagbabasa man kayo, sana pag-isipan ninyo kung para saan ba talaga ang ginagawa n’yo. Tiwala naman ako sa talino ninyo; hindi ako naniniwala na may taong bobo. Alam kong marunong kayong mag-isip para sa inyong mga sarili. Alam kong marunong kayong magnilay sa kung ano ang tama at mabuti. Alam ko na alam din ninyo ang totoo: Buhay at kabuhayan ng mga kababayan natin ang nakasalalay sa halalang ito. Walang pandemyang mawawakasan, walang may sakit na mapapagaling, at walang bansang mapapaunlad ang mga paninira at pagsisinungaling ninyo.

Ang meron lang: Iilang magpapakasasa at magbebenepisyo dahil sa inyo, at isang kawawang bayan na lalong malulugmok kapag naupo sa puwesto ang maling mga tao. Na trahedya talagang maituturing – lalo na at may Leni Robredo tayong puwedeng piliin at ipanalo.

Leave A Reply

Your email address will not be published.