Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

‘Hero rat’ ng Cambodia magreretiro na

0 16

Matapos ang may limang taon niyang karera sa Cambodia, magreretiro na sa kanyang ‘career’ ang tinaguriang “hero rat” na si Magawa.
Magugunitang pinarangalan si Magawa, isang African giant pouched rat dahil sa kanyang galing sa pag-amoy at paghahanap ng mga landmine.
Ayon sa APOPO, isang mine-clearing non-governmental organization na nag train kay Magawa, sa panahon ng serbisyo ng hero rat ay may 71 landmines at 38 items ng mga hindi pa sumasabog na ordnance itong natagpuan.
Sanhi ng kanyang trabaho, nanalo siya ng gold medal mula sa British veterinary charity na People’s Dispensary for Sick Animals (PDSA) noong 2020.
“Although still in good health, he has reached a retirement age and is clearly starting to slow down,” ayon sa APOPO.
Malaki umano ang naitulong ni Magawa para ma-clear ang may 225,000 square meters ng lupain sa Cambodia, na nag-iwan ng mga mapanganib na pampasabog matapos ang naganap na dekadang kaguluhan.
Nabatid sa APOPO na hindi naging mahirap sa kanilang turuan si Magawa at pumasa ito nang walang hirap sa lahat ng training na ginawa sa kanya kung saan kinaya niyang maamoy at maituro ang explosive chemicals na ginamit sa landmines.
Kaya rin ni Magawa na masakop ang lugar na kasinglaki ng tennis court sa loob lamang ng 30 minuto – na kung tao ang gagawa ay posibleng abutin ng apat na araw bago ito ma-clear.
Ayon sa APOPO, kung hindi sa tulong ng maliliit na bayani tulad ni Magawa ay hindi kaagad maki-clear ang may 4.3 milyong sqm na lupain sa Cambodia, gayundin sa Vietnam at Laos, na tinapunan ng mga pampasabog ng iba’t ibang bansa noong Vietnam War. (Juliet de Loza-Cudia)

SM food to go Banner Ad

Leave A Reply

Your email address will not be published.