Una sa Balita

Helper nilikida ng rider sa Malabon

0 206

DUGUANG humandusay sa semento ang katawan ng isang helper nang pagbabarilin ng hindi kilalang ri­der sa Malabon City, kahapon nang mada­ling-araw.

Agad nasawi si Marvi Barredo, 31, binata, nakatira sa Atis Road, Brgy. Potrero ng nasabing lungsod, dahil sa mga tama ng bala ng cal. 45 sa ulo at katawan.

Pinaharurot ng kriminal ang kanyang motorsiklo papatakas nang masiguro nitong patay na ang kanyang target.

Sa imbestigasyon ni P/SSg. Phi­lip Cesar Apostol ng Station Investigation Division (SID) ng Malabon Police, bandang alas-2:40 nang mada­ling-araw, naglalakad umano si Barredo sa Banana road, corner Rimas St., Brgy. Potrero.

Bumulaga umano sa harapan ni Barredo ang lalaki na sakay ng motorsiko saka bumunot ng baril at pinaulanan ng bala ang biktima.

“Sisilipin natin kung may CCTV sa lugar ng pinangyarihan ng krimen, para makilala ‘tong gunman,” sabi ni Apostol.

Sa pagsusuri naman ni P/Major Avelino Andaya ng Scene on the Crime Operatives (SOCO), apat na basyo ng cal. 45 ang narekober sa crime scene.

Inilagak sa Eusebio Funeral Homes ang labi ni Barredo habang inaalam pa ang motibo sa pamamaslang sa kanya. (Orlan Linde)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy