HEALTH FRONTIERS: Lumulobo

By

Ano ang brain aneurysm? Ano ang sanhi nito? Sumasakit ang iba’t ibang parte ng ulo ko. Hindi naman sabay-sabay ito pero may araw na buong ulo ko ang masakit. May paraan ba para maiwasan ito? — Name withheld.

***

Sa brain aneurysm, ­lumulobo ang daluyan ng dugo sa utak. Puwede itong tumulo o pumutok sa katagalan. Delikado ito kasi ­napipinsala at namamatay ang mga kadikit na cells.

Tumataas din ang pressure sa bungo na ­maaaring makaapekto sa dugo at oxygen na kailangan ng utak. Dahil dito, puwedeng mawalan ng malay o mamatay ang pasyente.

Mabuti na lang at kadalasan walang binibigay na ­problema ang brain aneurysm. Masuwerte ang pasyente kapag ­hindi ­pumutok at walang sintomas. Kung may nararamdaman, ­pumunta agad sa doktor.

Bumubuo ang brain aneurysm kapag mahina o manipis ang artery wall. Puwede itong lumitaw sa kahit saan bahagi ng utak pero madalas ito sa arteries sa ilalim na parte ng utak. Karamihan sa mga pasyente ay may sapat na gulang at babae.

Mas malaki ang pagkakataon na magkaroon ng ­ganitong sakit kung matanda, naninigarilyo, mahilig sa alak, may high blood pressure, naninigas ang arteries (arteriosclerosis), gumagamit ng droga lalo na ang cocaine, napinsala ang ulo, at may impeksiyon sa dugo.

May mga sakit na maaaring magdulot ng brain aneurysm. Kasama rito ang Ehlers-Danlos syndrome, polycystic kidney disease, abnormal na aorta at cerebral arteriovenous malformation. Namamana rin ito kaya kapag may brain aneurysm ang magulang o kapatid, maaaring magkaroon ka rin nito.

Kapag pumutok, ang sintomas ng brain aneurysm ay ­matinding sakit ng ulo na bigla na lang lumilitaw. ­Maaaring mawalan ng malay, may stiff neck, pagsusuka at ­pagkahilo, malabo o doble ang paningin, sensitive ka sa ilaw, at ­bumabagsak ang isang takipmata.

Kung maliit ang brain aneurysm, walang sintomas. Kapag lumaki, maaaring makaranas ng sakit sa itaas o likod ng mata, dilated ang pupil, may pagbabago sa paningin o dobleng ­paningin, manhid o paralisado ang isang bahagi ng mukha at babagsak ang isang takipmata.


Matutulungan ka ng neurosurgeon o neurologist. ­Maaaring operahan o bigyan ka ng gamot depende sa laki, hitsura at lugar ng brain aneurysm, ang edad at kalusugan mo. Kapag hindi pa pumutok ito, huwag manigarilyo o gumamit ng ­droga, kumain ng masustansiyang pagkain, mag-exercise, bawasan ang ­caffeine, at huwag magbuhat ng mabibigat na ­bagay.

***

May problema ka ba sa kalusugan? Nais mo bang maliwanagan sa sakit mo? Mag-e-mail kay George Nava True II sa georgenavatrue@yahoo.com, mag-text sa 09359720691 o mag-iwan ng message at i-like ang kanyang Facebook page Health Frontiers Online. Sasagutin niya ang mga tanong niyo rito. Si George ay bete­ranong health columnist at author ng 3 health books.


SHARE