HEALTH FRONTIERS: Kidney stone diet

By

Ako ay 53-anyos. Ano ang dapat at hindi dapat kainin kapag may kidney stones? — Name withheld.

***

Depende ‘yan sa uri ng kidney stone. Kadalasan ang kidney stones ay gawa sa calcium, oxalate o uric acid na mamumuo sa kidney. Para maiwasan ito, uminom ng maraming tubig (8-10 glasses a day) upang mapalabnaw ang ihi at hindi mamuo ang bato. Kumain ng balanced diet (iba’t ibang pagkain) at limitahan ang pagkain ng animal protein. Iwasan ang grapefruit juice na pwedeng magdulot ng kidney stones.

Kung ang kidney stone ay gawa sa calcium, bawa­san ang paggamit ng asin at maalat na pagkain at huwag damihan ang pagkain ng calcium ­sources tulad ng gatas, keso, yogurt, spinach, okra, soy beans, white beans at isda tulad ng sardinas at salmon. Limitahan ang pagkain ng mga calcium-fortified foods tulad ng orange juice at oatmeal.

Bawasan din ang pagkain ng vitamin D na makikita sa tuna, ­mackerel, salmon, vitamin D-fortified foods tulad ng dairy pro­ducts, orange juice, soy milk at cereals, beef liver, keso at egg yolk.

Kapag may oxalate stone, limitahan ang pagkain ng tsokolate, dark-green vegetables tulad ng spinach, mani, sesame seeds, miso at sweet potatoes. Sabi ng ibang researchers, makakatulong daw ang lemon juice ­dahil meron itong citrate na panlaban sa calcium-­oxalate stones.

Kung gawa sa uric acid ang kidney stone, limitahan ang pagkain ng karne, baboy, manok at isda. Mayaman ito sa purines na siyang dahilan ng uric acid stones. Limitahan o iwasan ang laman-loob, herring, mackerel, tuna, hipon at ulang.

Bawasan ang saturated fat at kumain ng mara­ming gulay o mga low-fat o fat-free products. Limitahan o iwasan ang alak lalo na ang beer na humahadlang sa paglabas ng uric acid sa katawan. Iwasan ang pagkain at soft drinks na may high-fructose corn syrup dahil pinapadami nito ang uric acid. Mas maganda ang 100 percent fruit juice.

***

May problema ka ba sa kalusugan? Nais mo bang maliwanagan sa sakit mo? Mag-e-mail kay George Nava True II sa georgenavatrue@yahoo.com, mag-text sa 09359720691 o mag-iwan ng message at i-like ang kanyang Facebook page Health Frontiers Online. Sasagutin niya ang mga tanong niyo dito. Si George ay bete­ranong health columnist at author ng 3 health books.



SHARE