Una sa Balita

‘Healing commissioner’

0 1,443

UNA kong nakadaupang-palad si Willie Marcial nuong sidekick pa lang siya ni Commissioner Noli Eala.

Kung nagpapatawag ng meeting o kaya ay dinner si Eala, si Marcial ang advance party at umaayos ng lahat ng kailangan. Siya rin ang umaasikaso sa mga katoto.

Naging kaibigan ng lahat si Marcial pero nagkaroon ng problema noong panahon ni Chito Salud at ni Chito Narvasa dahil sa isyu ng tickets. Pero naayos din naman ang lahat.

Ayon sa mga taga-PBA, nagsimula si Marcial, 56, tubong Batangas, bilang statistician noong panahon ni Commissioner Leo Prieto at naging floor director ng Vintage Enterpri­ses nuong panahon ni Commissioner Rudy Salud at Jun Bernardino.

Matagal din akong nag-cover ng PBA pero hindi ko siya matandaan. Gayun man, okay naman ang kanyang naging pakikiharap sa media nuong panahon ni Eala. Siya rin ang sidekick ni Chito Salud at ni Narvasa.

Ayon kay PBA chairman Ricky Vargas, kailangan ng liga ngayon si Marcial bilang isang “healing commissioner.”
Para sa mga hindi nakakaalam, nag-resign si Narvasa dahil hindi nagustuhan ng bloc of 7 na pinangungunahan ng TNT ang pag-okay niya sa trade sa pagitan ng San Miguel Beer at Kia kung saan ang player na kinuha ng SMB sa rookie draft ay si Christian Standhardinger na ngayon ay naghahasik ng lagim sa Asean Basketball League.

Dagdag pa ni Vargas, importante umano na maibigay ang puwesto ng commissioner sa isang taong lumaki sa PBA na alam ang liga, ang by-laws, na naturuan ng mga nakaraang commissioner. Malaki umano ang magiging tulong ng lahat ng natutunan ni Marcial sa kanyang mahabang panahon sa liga.

Ayon sa isang katoto, hindi gaanong kumbinsido ang isang governor na akma si Marcial sa kanyang bagong puwesto.
Malaki umano ang kaibahan ng officer in charge at ng commissioner. Kaya titingnan niya ang lahat ng magiging kilos ni Marcial.

Dagdag pa ng nasabing governor, kailangang asikasuhin ni Marcial ang problema sa officiating sa mga laro na nagiging dahilan ng bugbugan sa pagitan ng mga manlalaro.

“When he was appointed OIC on Dec. 17 until the end of the year walang problema, walang mga away-away,” ang sabi ng governor. “Pero pagpasok ng new year marami ng lapses sa tawagan kaya nagiging mas physical ang laro at ayun mas maraming away.

“The Board has asked him to make consistent officiating his first order of business.”