Una sa Balita

Hayden Kho tatakbong congressman vs Lord Velasco

By
0 1,921

Sasabak sa politika si Hayden Kho, mister ng celebrity doctor na si Vicki Belo, para kalabanin umano ang kasalukuyang kinatawan ng nag-iisang distrito ng Marinduque sa Kongreso na si Congressman Lord Allan Velasco.

Base sa eksklusibong impormasyon na nakalap ng Abante, pinatatakbo diumano si Kho ng da­ting nakalaban ni Velasco na si Regina Ongsiako Reyes na pinatalsik ng House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) bilang kongresista ng Marinduque dahil sa isyu ng citizenship.

Inamin naman ni Kho ang alegasyong may nagpatakbo sa kanya para kalabanin si Velasco pero hindi nito binanggit kung sino.

“The only thing I can say is I was asked,” pahayag ni Kho sa Abante.

Si Velasco ay napa­balitang papalit sa puwesto ni House Speaker Pantaleon Alvarez. Umugong din ang balita na may interes si Velasco na maging majority leader ng Mababang Kapulu­ngan ng Kongreso.

Ang 38-anyos na si Kho ay minsan nang nasangkot sa iskandalo matapos kumalat ang sex video nito sa ilang babae, kabilang ang aktres na si Katrina Halili noong 2009.

Nagkaroon pa ng pagsisiyasat ang Senado sa kinasangkutan na sex scandal ni Kho matapos igiit ni dating Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. na imbestigahan ito.

Sa kanyang privilege speech noon sa Senado na may pamagat na ‘A Doctor’s Perversity’ ay binakbakan ni Revilla si Kho dahil sa pagbi-videotape ng mga sexcapade nito sa ilang babae at pagkalat ng video sa internet.

Humingi na dati ng paumanhin si Kho pero iginiit nito na wala siyang kinalaman sa pagkalat ng mga sex video niya sa internet.

“Isa siyang de-tituladong tao at bilang isang edukadong tao, I expect some decency in him. He disappoints me, including the people around him.”

Sino ang taong nasa tamang pag-iisip ang kayang gumawa at abusuhin ang mga kababaihan, katulad ng ginawa niya?” sabi ni Revilla noon sa kainitan ng iskandalo laban kay Kho.

Sagot ito ni Revilla sa naging pahayag noon ni Kho sa isang programa sa telebisyon kung saan ay sinabi nito na makitid diumano ang isip ng da­ting senador
Humantong ang iskandalo ni Kho sa pagkakabawi ng kanyang lisensiya bilang isang doktor dahil sa ‘unethical behavior’.