Una sa Balita

Haybol ni Ka Freddie natupok, buntis na misis, tumalon sa bubong

By
0 1,749

Tinupok ng apoy ang tahanan ng beterano at sikat na singer na si Ka Freddie Aguilar, masu­werte namang nakaligtas ang misis niyang buntis na nakatalon sa bubong ng kanilang kapitbahay habang nagaganap ang sunog sa kanilang taha­nan sa North Fairview, Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Nabatid mula kay Insp. Rosendo Cabillan ng Quezon City Bureau of Fire Protection (BFP) na sumiklab ang apoy dakong alas-11:00 ng gabi at sinasabing nagsimula sa music room sa ground floor ng pamil­yang Aguilar.

Ayon kay Cabillan, idineklarang under control ang apoy ng alas-11:22 at fire out ng alas-11:38 ng gabi.

Sa kasagsagan ng sunog ay nasa second floor ang buntis na misis ni Ka Freddie na si Jovie, 21, at biyenan nito.

Bahay ni Ka Freddie nasunog — Ang nasunog na bahay ng singer/composer na si Freddie Aguilar sa Every St., North Fairview, Quezon City kagabi. Makikita sa larawan ang anak ni Ka Freddie na si Jericho Aguilar habang isinasalba ang ilang mahahalagang gamit na nailigtas sa sunog katulad ng gitara. (Jimmy Carbo)

Sa sobrang lakas ng apoy ay napilitang dumaan sina Jovie sa balcony ng kanilang tahanan saka tumalon sa bubong ng kanilang kapitbahay.

Sinabi ni Insp. Cabillan, 70% sa bahay ng pamilyang Aguilar ay nasunog at dalawang anggulo ang tinitingnan nilang dahilan nito. 

Una ay ang overloading sa electrical system at pangalawa ay posibleng may leak sa tubo ng tubig na maa­aring umabot sa wiring ng tahanan ng pamilyang Aguilar.

Tinatayang nasa P20 milyon na halaga ng gamit at ari-arian ang natupok ng apoy, kabilang na ang mga orihinal na record ng kantang “Anak” at iba pang awitin ni Ka Freddie. 

Ayon kay Ka Freddie, nalulungkot siya dahil ipapamana sana niya sa kanyang mga apo ang mga collector’s items na kanyang pagmamay-ari pero nagpapasalamat na rin dahil walang nasaktan o kaya’y nasawi sa kanyang pamilya.