Una sa Balita

Hatid

0 365

Walang maliit na gawain sa isang nagpapakabuting ama lalo’t bawat gawaing ito ay isinasaisip at pinagninilayang hindi na muli mauulit kung tuluyan nang lumaki ang batang anak.

Noong nagdaang araw, sa aming tinitirhang ba­yan sa lalawigan ng Quezon, sa ilang pambihirang pagkakataong wala akong turo sa unibersidad sa Maynila, muli kong inihatid ang aking bunsong nasa ikatlong baitang pa lamang.

Ikatlong baitang pa lamang, o nasa ikatlong baitang na. Depende sa pagtanaw kung gaano siya kabilis o kabagal magkaedad. Depende sa kung gaano kara­ming gawain na ang nagagawa niya nang hindi kailangan ang tulong ng magulang. Para sa aking hindi nakakasama ang pamilya araw-araw, mabibilis magsilaki ang aking mga anak.

Noong nagdaang araw, ayaw nang magpahatid ng aking bunso sa kaniyang paaralan. Nasaktan ako dahil bihira lang naman ang gawaing itong lubos kong pinananabikan tuwing umuuwi mula sa nakakapagod na lungsod.

Sa paghahatid kasi kami nagkakaroon ng kay gaan at impersonal na kuwentuhan. Kung paano nagiging green ang dahon, kung cumulus ba o cirrus ang ulap ngayon, o kung bakit hindi pa kami kakilala ng pusang lagi naming nakakasalubong.

Sa miminsang paghatid, ikinukuwento niya ang tungkol sa kaniyang mga kaklase: sino ang umiyak, sino ang napa­galitan, sino ang may sakit at lumiban; natataya namin ang leksyon mamaya batay sa kung ano ang leksyon kahapon.

Sa dumadalang na paghahatid, naiisa-isa namin ang lungsod sa mapa ng Calabarzon na bahagi ng kaniyang leksyon. Napahanga ko siya dahil kabisado ko ang mga bayan at lungsod, ang mga kapitolyo’t liblib na pook, at nang minsang mag-multiply ako nang hindi gumagamit ng calculator, na kaya na rin nga pala niya ngayon.

Sa bibihirang paghahatid, lalo kung walang pagmamadali, napagmamasdan naming mahinog ang bunga ng punong dalanghita at lucban (suha) ng mga kapitbahay. Nai-imagine ang asim at tamis ng sa bawat paghatid ay kumikintab, namumurok na bunga.

Nagagawa naming kumanta sa tuwing inihahatid ko siya. Iibahin namin ang lyrics ng Bahay Kubo halimbawa habang umiiwas sa nangaghalang na dumi ng aso sa daan. Ginagaya niya ang huni ng papadapong uwak at martines, ng maena sa hawla ng kapitbahay. Pagkatapos, magsasalita na siya, ikukuwento ang napanood na palabas ng sinundang araw. Noong wala ako at nasa trabaho.

Nangangamba naman talaga akong duma­ting ang sandaling ayaw na niyang magpahatid. Noon ngang nagdaang araw, ang gusto na lang niya ay maitawid ko siya sa highway, matapos noon, mga sandaang metro at marami-raming kuwento pa ang layo, lalakarin na lang daw niya hanggang paaralan. Inihatid ko na lang siya ng tanaw.

Ang tagal ko na palang hindi nagamit sa pagsasalita at pagsusulat ang katagang ‘inihatid ng tanaw’.

Nang akala niyang malayo na siya, lumi­ngon siya pabalik. Sinisiguro siguro kung wala na ako. Pero naroon pa. Nakatingin sa kaniya. Inihahatid siya ng tanaw. Nahuli ko ang kaniyang sasandali pero masakit na titig na parang nagsasabing “Kaya ko nang mag-isa, Tatay.”

Nabawasan na naman ang silbi ko sa buhay.

***
Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa aking Facebook account: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy