Una sa Balita

Hatid-Saya: Ang pamana ng Porkchop Duo

By
0 1,015
Noong Lunes, nakatanggap ako ng malungkot na balita: “…This is Otan Vargas son of Choppy. …I hope you have received the book with personal dedication sent to you by my dad last year. I just want to let you know that you made him happy that you appreciate his jokes. Unfortunately he passed away last Saturday, Feb 3rd at 1:51am New York time. We ask for your prayers. Thank you.”
 
Bagama’t nalungkot ako, ikinarangal ko rin na sa dinami-dami ng tagahanga ng Porkchop Duo, ako pa ang naalalang sabihan nang personal ng anak ni Choppy sa pagyao ng kanilang ama. Fan lang naman ako. 
 
Una kong napakinggan ang Porkchop Duo nang mag-uwi ng cassette tape nito ang tatay ko noong Grade 3 ako. Kahit pilyo ang mara­ming biro nina Porky at Choppy, isa sila sa nakaimpluwensiya kung paano ko epektibong dalhin ang sarili sa pagsasalita sa harapan ng maraming tao gayundin sa tamang timing ng pagkukuwento at pagbibigay ng jokes.
 
Si Romeo Vargas ay laking Tondo, naging miyembro ng Kabataang Makabayan, naging estudyante sa pagkaministro ng Adventista, nagdanas ng kung ano-anong trabaho kabilang ang pagiging guwardiya habang working student at naging mang-aawit sa Japan kasama ang kanyang mga kapatid. Noong 1979, binuo niya ang isang comedy duo, ang ‘R & R Duet’ kasama ang isang dating child star na si Renato Gomez na kilala sa pangalang Porky.
 
Noong 1983, habang front act ng bandang Rainmakers, bininyagan sila ng bagong pangalan ng grupo — Porkchop Duo, at si Renato ay na­ging si Choppy. Ayon sa aklat na The Making of the Porkchop Duo, sinabi ni Choppy na hindi sila natutuwa sa slapstick comedy na sikat noon. “We thought the Filipino humor is best described with our rich language ang facial expressions.”
 
Matapos ang EDSA, sa pamamagitan ng programa ng OWWA na ‘Hatid Saya’, nakapaghatid sila ng aliw sa mga OFW sa halos 34 bansa. Sila ang unang naglabas ng comedy album noong 1993 na unang ipinamahagi sa mga drayber ang dyip at bus bilang marke­ting strategy. Pumatok sa bayan ang kanilang mga biro. Sumakabilang-buhay si Porky noong 2009.
 
Sa kanyang dedikasyon para sa akin kanyang sinabi, “I am honored, and very glad to know that you can make use of our jokes in your teaching profession (I remember history was my favorite subject). …I hope you would be more inspired and be proud of Filipino wit and humor. …Salamat sa suporta kabayan!”
 
Ngayong araw, paparangalan si Choppy Vargas ng kanyang mga mahal sa buhay sa Bethany Seventh Day Adventist Church in Westbury (Long Island) New York. Ang pamana ng paghahatid-saya ng Porkchop Duo ay ang pag-isahin ang mga Filipino sa loob at labas ng bansa sa katatawanan sa kabila ng ating mga suliranin.
10 February 2018, Pook Amorsolo, UP Diliman