Una sa Balita

Hatian ng ₱106M Pinoy sa ₱1B lotto jackpot tinabla ng Palasyo, Kongreso

By ,
0 2,963

Tutol ang Malacañang sa mungkahing ipamigay na lamang sa mga Pilipino ang hindi pa napapanalunang P1 billion sa 6/58 Ultra Lotto jackpot Prize.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na mayroong sinusunod na protocol at polisiya ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa kanilang lotto game at baka masira ito kung ipamudmod na lamang ang hindi pa napapanalunang premyo.

Lumobo ng hanggang P1 billion ang premyo dahil mailap itong matamaan ng mga mananaya ng lotto.

“Meron tayong protocol diyan baka ‘pag sinira yung protocol, masira naman yung buong policy ng very essence ng lotto,” ani Panelo.

Iminungkahi ng ilang grupo na kung sakaling hindi pa mapanalunan ang jackpot prize ay ipamahagi na lamang sa may 106 mil­yong Pilipino ang nasabing lotto jackpot.

Maging sa Kamara ay hindi bumenta ang ideya ng ilang netizen na biyakin sa bawat Pinoy ang mahigit P1B lotto jackpot ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Tinawag ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na ‘selfish move’ at ‘insignificant’ ang naturang diskarte.

Kaysa paghatian ng bawat Pinoy mas maigi umano kung ilaan na lamang sa mas importanteng bagay ang papremyo.

“Tig-10 pesos lang kung hahatiin sa mga Filipino.

“Mas mabuti pa kung ibigay na lang sa mga ospital ng gobyerno, pambili ng mga gamot at equipment.”

Paliwanag ni Akbayan Rep. Tom Villarin, hindi sapat ang P1B kung ipamumudmod sa bawat Pinoy.

“Ang dapat i-promote ay magkaroon ng disenteng trabaho ang bawat Pilipino at hindi paaasahin sa panalo ng lotto,” dagdag ng Akbayan solon.

Tinawag naman ni Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe na ideyang tipaklong ang naturang suhestiyon na biyakin para sa lahat ng Pinoy ang lotto jackpot.