Una sa Balita

Harris, Banchero, Alaska dinaganan ang NorthPort

By
0 149

NAGISING ang Alaska sa mensahe at hamon ni owner Fred Uytengsu, ginawang motibasyon para selyuhan ang isa sa apat na twice-to-beat bonus sa PBA Governors’ Cup.

Iginapos ni Simon Enciso si Stanley Pringle sa second half at itinakbo ng Aces ang 95-85 panalo kontra NorthPort Linggo nang gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Sampa sa 8-3 ang Alaska, sigurado na sa incentive para sa top 4. Puwestuhan na lang ang paglalabanan, puwede sila sa No. 2 pero maaari ding mapunta sa No. 4.

“I can’t give to you verbatim, but essentially he challenged the guys and said he’s been watching us work hard this whole conference,” lahad ni coach Alex Compton sa mensahe ng kanilang big boss.

“And then we come into a situation where we are complacent, and he didn’t want us to throw away this opportunity.”
Rumesponde ang mga player ni Compton, binaliktad ang 47-41 deficit sa half tungo sa 64-62 lead pagkatapos ng third quarter.

Nagsumite ng double-double na 27 points, 25 rebounds si Mike Harris, nambarako ng 11 markers sa fourth para ilayo ang Aces.

Apat na players pa ni Compton ang umiskor ng 11 pataas sa pa­ngunguna ng 15 ni Chris Banchero at 13 ni Jeron Teng.
Sinubukang ibalik ni Rashad Woods ang Batang Pier sa final period nang magpasabog ng 18 points pero naubusan na ng oras. Tumapos ang import ng 33 mar­kers at 13 boards.