Una sa Balita

Happy Mother’s Day!

By
0 463

Hindi matatawaran ang kontribu­syon ng mga na­nay sa ­ating lipunan. Hindi ­lamang sila ang ilaw ng ­ating tahanan, madalas sila din ang haligi na pinanghuhugutan ng lakas at inspirasyon ng ating mga pamilya. Utang natin sa kanila ang regalo ng buhay. Kung wala sila, wala rin tayo sa mundong ito.

Walang expiration date ang pagmamahal ng isang ina dahil ang kanilang mga anak ang kanilang prayoridad sa buhay. Hindi nila iindahin ang pagod, puyat at hirap para lamang malagay sa maa­yos na kalagayan ang kanilang mga anak. Karamihan sa ating kababaihang overseas Filipino worker (OFW) ay tinitiis mawalay sa kanilang mga anak at pamilya para lamang mabigyan sila ng magandang buhay. Ganyan ang pagmamahal ng isang nanay.

Marami ring kababaihan ang tumatayo at umaaako ng responsibilidad bilang nanay sa hindi niya ipinagbuntis. Nagi­ging nanay sa mga pamang­kin, mga kaibigan, sa mga kaanak at iba pang mahal sa buhay, kahit pa nga mga kapitbahay. Sila ang tumatayong nanay at tatay sa mga kabataang naghahanap ng kalinga at pagmamahal.

Kaya sa mga kapwa ko nanay at magiging nanay, mabuhay kayong lahat! Dahil sa inyong sakripisyo at kabayanihan, karapat-dapat lamang na inyong tamasain ang lahat ng biyaya at kasaganahan na maaring maibigay sa inyo ng ating lipunan.

Dahil dito, ating ipinasa ang Expanded Maternity Leave Bill sa Senado para bigyan ng mas malawak na benepisyong kalusugan at pangkababaihan ang lahat ng nagtatrabahong nanay. Konting ire na lamang sa House of Representatives at maipapasa na rin nito ang kanilang bersyon ng nasa­bing panukalang batas.

Atin na ding naipasa na sa Senado ang Senate Bill 1145 o ang “Healthy Na­nay and Bulilit Act.” Layu­nin ng batas na ito na tugunan ang pangangailangang pangkalusugan at nutri­syon ng mga nanay at kanilang mga sanggol sa unang isang libong araw ng bata. Ang panukalang batas ay kasalukuyang nasa bica­meral conference committee na at inaasahang magiging ganap na batas sa malapit na hinaharap.

Bukod dito, isinususulong ko rin ang pag-apruba ng Senate Bill 1714 o ang “Healthy Pinoy, Healthy Pinas Act” kung saan nais natin na mabigyan ng access sa “universal health care services” ang bawat isang pamilyang Pilipino. Tutulungan ng batas na ito ang lahat ng mga nanay na magtaguyod ng malulusog at masaganang pamilya.

Sisiguraduhin ko rin ang komprehensibong implementasyon ng Reproductive Health Law. Sisi­guraduhin natin na may sapat na pondo ang batas na ito at maipapatupad ang lahat ng probisyon nito.

Mahalaga na mabig­yan ang lahat ng nanay ng pinakamalawak na opsyon sa tamang pagpaplano ng kanilang mga pamilya at pangangalaga sa kanilang reproductive health rights.

Ilan lamang ito sa ­ating mga isinusulong na batas para sa ating mga ­nanay. Sa tulong nating lahat, buo ang aking paniniwala na mapagtatagumpayan ­natin ang lahat ng ito.

Muli, ngayong Araw ng mga Nanay, ating pasalamatan ang ating mga nanay, ina, mommy, mama at ma­ging ang ating mga ate, tita at lola na pa­tuloy na nagbibigay ng pagmamahal, pag-aaruga at pagkalinga sa ating lahat. Maraming salamat po. Mas gumanda ang mundo dahil sa pagmamahal ninyo.

***

Sa mga nagna­nais na magpadala ng katanu­ngang pangkalusu­gan at ­pangkababaihan kay ­Senator Risa Hontiveros, sumulat lamang sa ­itanongkayrisa@gmail.com.