Una sa Balita

HAPILON, HOSTAGES MAGKASAMA

By
0 6

Malaki ang duda ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines na posibleng namumugad sa lugar kung saan napatay ang 13 miyembro ng Philippine Marines ang Abu Sayyaf Group lea­der na si Isnilon Hapilon kasama ang mga foreign terrorists at kanilang mga binihag na sibilyan sa Marawi City.

Ayon kay AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, malaki ang paniniwala nilang nagtatago pa rin sa isang lugar sa Marawi City si Hapilon kaya ito ang dahilan kung bakit matindi ang depensa sa lugar na napasok ng mga Marines noong Biyernes.

“Paniwala pa po kami na si Hapilon ay nariyan pa po sa Marawi dahil nakita namin na matindi ang kanilang depensa. Wala pa po kaming eksaktong bilang kung ilan pa po sila, estimate po natin ay may ilan pa po pero exact figure po ay hindi namin masabi,” wika ni Padilla.

Dito sinabi ni Padilla na may duda silang kaya matindi ang depensa ng kalaban sa lugar na pinasok ng mga Marines na sinawing palad na masawi noong Biyernes ay posibleng naroroon si Hapilon at ilang dayuhang terorista at maging ang kanilang mga bihag.

Noong Biyernes napatay ang 13 Marines habang sugatan ang 40 iba pa sa pakikipagsagupa sa mga terorista sa Brgy. Lilod Madaya sa Marawi City.

Ayon kay Padilla, tanging layunin ng Marines ay bigyan ng seguridad ang mga bihag na sibilyan sa Brgy. Lilod Madaya pero sinawing palad ang mga ito.

AIRSTRIKE BABAWASAN, GROUND ASSAULT PALALAKASIN

Nagpapatrolya ang isang grupo ng mga sundalo habang patuloy ang opensiba ng mga tropa ng gobyerno para mabawi sa mga terorista ang Marawi City. (AFP)

Matapos ang pagkasawi ng 13 Marines, babawasan na ng militar ang airstrikes at sisikapin na madagdagan naman ang ground assaults sa mga lugar na hawak pa rin ng Maute group.

Sinabi ni Padilla na layunin nitong maprotektahan ang mga pribadong ari-arian at gusali sa Marawi City.

DEATH TOLL

Umaabot na sa 191 terorista ang kumpirmadong nasawi habang 58 sundalo at 21 sibilyan ang nasawi sa mahigit dalawang linggong sagupaan sa Marawi City.

Sa isang press briefing kahapon ng hapon sa Cagayan de Oro City, sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ang nasabing bilang ay ang pinakahuling nasa talaan ng AFP sa pagpapatuloy na sagupaan sa nasabing lungsod.

Kinumpirma rin ni Lorenzana na tumutulong na rin sa pamahalaan ang bansang Amerika sa pamamagitan ng pagbibigay ng tactical assistance mula sa U.S. forces.

Pero nilinaw ni Lorenzana na ang pagtulong ng Amerika ay hindi sa pamamagitan ng tinatawag na ‘ope­ration on the ground’ dahil mahigpit itong ipinagbabawal sa ilalim ng Saligang Batas.

Ipinaliwanag naman ni AFP chief of staff Gen. Eduardo Año na ang tulong ng US Forces ay sa pamamagitan ng pagkuha ng mga larawan. Nagbigay na aniya ng tactical assistance ang Amerika para mapabilis ang pagpapalaya sa Marawi City.