Una sa Balita

Handa na bang magtulungan?

0 417

Isang linggo pa lang si VP Leni Robredo sa trabahong ipinasa sa kanya ni Pa­ngulong Duterte na pamunuan ang kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga ay umuulan na ang paninira mula sa iba’t ibang politiko na kaalyado ng administrasyon.

Habang nakatutok si VP Leni sa pakikipag-ugnayan sa kanyang mga katrabahong ahensiya sa Inter-agency Committee on Anti Illegal Drugs o ICAD, walang tigil ang pagputak ng mga politikong mukhang sarado na talaga ang pag-iisip sa anumang mabu­ting intensiyon ng ating Pangalawang Pangulo.

Nitong nakaraang Lunes, limang araw pa lang mula nang tinanggap ni VP Leni ang desig­nasyon mula sa Pangulo, bumanat na agad si Speaker Alan Cayetano na ‘all talk’ lang daw si VP, at nagsimula raw siya sa trabaho ‘on the wrong mouth’, anuman ang ibig sabihin nito. Kung ang pinuno ng ating Kamara na paulit-ulit nang nagsabi na buo ang suporta sa Pangulo ay, ganito pa lang kaaga, todo na ang banat sa taong pinili ng Pangulo para tutukan ang problema ng iligal na droga, makakaasa ba tayo sa kanyang totoong suporta para sa patuloy na labang ito?

Bilang sagot kay Speaker Cayetano, sinabi ni Senator Franklin Drilon na nakakadismaya na imbes na magtulungan para harapin ang isyu ng iligal na droga, parang inuuna na naman ang politika. Asintado ang punto ni Senator Drilon na ito. Kung si VP Leni ay nanguna na nga sa pagsantabi ng politika noong kanyang tinanggap ang ha­mong pamunuan ang kampan­ya laban sa iligal na droga, hindi ba dapat gawin na rin ng lahat ng ating mga lider sa pamahalaan para lalong lumakas ang ating pagkilos para tuluyan nang tapusin ang salot ng droga sa ating bansa?

Alalahanin natin, sabi mismo ng Malacañang, ang tagumpay ni VP Leni sa kanyang pamumuno ng laban sa iligal na droga ay tagumpay nating lahat.

Maganda na itong pagkakataon na ilagay muna natin sa tabi ang ating personal na politika at tumutok sa trabahong makakabuti sa ating lahat at sa ating bayan.

Noong nakaraang linggo, tinanggap ng ating Pangalawang Pangulo ang hamon ng ating Pangulo na pamunuan ang kampanya laban sa iligal na droga.

Isinantabi niya ang politika para tanggapin ang hamong ito. Ang hamon ngayon ay para sa mga iba nating mga politiko sa gobyerno: Handa rin ba silang isantabi ang pamumulitika para sa ikabubuti ng ating bansa? O ganoon na lang ba talaga ang lalim ng kanilang galit kay VP Leni, at bigat ng kanilang sariling ambisyon, na hindi nila mabitawan ito, kahit malinaw na ito ay para sa ating bayan?

Sabi nga ni VP Leni noong kanyang tinanggap niya ang hamon, handa ako, ang tanong handa na ba sila para sa akin?

Handa na nga ba sila?

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy