Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Hanapin at Punan ang Puwang

0 46

Linggo-linggo nagkukuwentuhan tayo tungkol sa mga COVID19 initiatives ng Tanggapan. Mahalagang alam ng ating mga kababayan na patuloy tayong tumutulong at nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang LGU at pribadong organisasyon, para makapag-abot ng tulong sa pinakanangangailangan nating mga kababayan. Mahalagang alam ng nakararami na sa dami ng inisyatibo, marami pa rin ang nangangailangan ng tulong, marami pa rin ang mga puwang na kailangang punan. 

Nitong linggo, nasa Tuguegarao ang ating Swab Cab. Sa pakikipagtulungan ng City Government of Tuguegarao, nakapagbigay tayo ng antigen swab tests sa 927 na indibidwal, 40 dito ang lumabas na positibo. Tumulong din tayo sa pag-abot sa mga pasyente ng health kits, relief packs, at bigas. Posible ang ganitong inisyatibo kahit maliit lang ang pondo natin sa Tanggapan dahil marami tayong volunteers at partners na patuloy ang pagbigay ng tulong at nagtitiwala sa OVP. 

Mayroon din tayong relief packs na naiabot para sa mga blind masseurs sa Laguna. At ngayong linggo, nag-turnover din tayo ng livelihood assistance sa mga miyembro ng Accessville Neighborhood Association. Isa itong organisasayon ng mga PWD sa Cainta, Rizal na nangangailangan ng tulong para magkaroon ng sapat na kita sa kanilang pang-araw-araw. Maliban sa assistance, dumaan sila sa training para mapabuti ang kanilang kaalaman sa pagnenegosyo. 

Hot meals naman at tubig-inumin ang bitbit natin sa mga bantay o caretaker ng mga pasyente pati mga guwardiya at ibang staff sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital sa Caloocan at Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City. Patuloy din ang pagpadala natin ng PPE sets at iba pang medical supplies sa iba’t ibang bahagi ng bansa, pati na iyong mga lugar kung saan patuloy pa rin ang pagtaas ng kaso ng COVID19. Kasama dito ang 42 institusyon sa Misamis Oriental, 12 sa Bukidnon, 7 sa Lanao del Norte, 8 sa Lanao del Sur, 4 sa Misamis Occidental, at 1 sa Camiguin. 

Ngayong linggo din nagsimula ang 10-day technical vocational training ng ating pangalawang batch ng participants sa TrabaHOPE initiative. Ito ay isa sa mga proyekto ng Tanggapan na nakatutok tulungan ang mga out-of-school youth na makahanap ng trabaho sa panahon ng pandemya.

Iilan lang ito sa mga programa natin, at patuloy namin itong ikukuwento sa inyo, linggo-linggo para alam ninyong hindi tayo tumitigil sa pagtulong dahil napakarami pang nangangailangan. At para ipaalala sa inyong walang imposible, basta’t patuloy tayong magkakaisa at magtutulungan para maabot ang nasa pinakamalalayo, pinakamaliliit, at pinakamahihirap na komundidad. 

Gaya ng sabi ni VP Leni, “Sa gitna ng dalamhati, pangungulila, pangamba, at kawalan ng katiyakan, nagsisilbing liwanag ang tulong ng ating partners, volunteers, at ng maraming Pilipino na nakikiambag sa ating pagkilos. Lahat ng ito ay pahiwatig ng ating pagkalinga at pag-akay sa isa’t isa—para sa mga frontliners na nangunguna sa laban kontra COVID, sa mga kababayan nating nagkasakit, sa mga pamilya, komunidad, at sektor na nahihirapan dahil sa kawalan ng kabuhayan.”

“Mahaba-haba pa ang laban na ating hinaharap. Gaya ng lagi, ang bawat araw ay paalala na ituon ang ating kakayahan, lakas, at malasakit kung saanman tayo kailangan. Dahil sa inyong suporta, patuloy kaming naniniwala: Tayo mismo ang pag-asa ng isa’t isa.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.