Una sa Balita

Hamon sa mga Kristiyano sa pagiging ‘coherent’!

0 956

Nagbigay ng payo si Luis Antonio Cardinal Tagle noong Linggo kung paano manatiling totoo at tapat na mga Kristiyano sa makabagong panahon. Sa misa na ipinagdiwang bilang paghahanda sa gaganaping 55th World Day of Prayer for Vocations, inilahad ng butihing Arsobispo ng Maynila ang kanyang ‘recipe’ kung paano maging tunay na ‘Christian witnesses’ sa makabagong panahon.

Iginiit ng Prelado ang paanyaya ng Ebanghelyo sa pagiging mga ‘saksi’ ni HesuKristo sa daigdig sa pagpapahayag ng Mabu­ting Balita sa pamamagitan ng salita at gawa. Saad ng Cardinal, nasa pagbubuklat ng Bibliya at pagtupad sa ‘New Commandment of Love’ ni HesuKristo ang susi ng mabungang buhay Kristiyano; nasa tapat na pagsasabuhay ng mensahe ang sikreto, aniya.

Sa kanyang homiliya sa Manila Cathedral inanyayahan ng Kanyang Kabunyian ang ta­nan: “Get to know Jesus though Scriptures and active love. The Word of Jesus is there, love is there. Learn about Jesus from them.” Marami pa raw hanggang ngayon ang hindi nakababatid kung ano ang tunay na ibig sabihin ng ‘buhay pananampalataya’ dahil sa kakulangan sa pagkakilala kay HesuKristo.

Upang makamit ang progreso sa pananampalataya, hinikayat ni Tagle ang lahat na bumalik sa Bibliya at maglaan ng panahon sa pagbabasa o pagninilay sa Salita ng Diyos. “The Bible is not for decoration. The Word of God helps us to understand who Jesus is,” giit ng Cardinal.

Ang ikalawang paraan upang lumago sa pagkakakilanlan at lumalim sa pananalig kay Hesu­Kristo, dagdag pa ng Arsobispo, ay sa pamamagitan ng pag-ibig.

Isa raw sa mga dahilan kung bakit napakarami pang hindi tumatanggap sa Panginoon ay dahil sa pag-aalinlangang umibig katulad ng halimbawang ibinigay Niya sa atin.

“Love your enemy, the hungry and the thirsty and you will understand Jesus. Learn how to forgive and you will know Jesus. And if we know Jesus continuously through His Word, through His Love, then hopefully we can be the witnesses that He could sent to all the ends of the earth.” konklusyon ni Tagle.

Sa ganang atin, mala­king hamon talaga ang pagiging mga saksi ni HesuKristo sa panahon ngayon, lalo na’t napakahirap maging ‘coherent’ bilang mga Kristiyano sa modernong milieu kung saan kailangan tayong manatiling natural, bukas at hindi nagpapadala sa eskandalosong buhay o puna ng ibang tao.

Payo ng Simba­han, “We have to expect that at times people will judge us in a twisted manner because they fail to understand the nature of a Christian way of ac­ting or many of the lo­ving demands of Christ’s doctrine.” Dito raw masusubukan ang lalim ng ating pananampalataya at pagtulad natin kay HesuKristo bilang mga tapat Niyang alagad.

Tama ang Cardinal sa pagsabing nagmumula ang lahat sa pagpapalago ng kaalaman sa Salita ng Diyos, pagkakakilanlan kay HesuKristo at pagsunod sa Bagong Kautusan ng Diyos sa Pag-ibig. Sa huli, napakahalaga ayon sa Iglesia ng pagtulad at pagsunod sa mga yapak ni HesuKristo — “even if it means giving our life for Him; acting with serenity, leading a Christian life with all its consequences.”

Walang duda, mas madaling sundan ang buyo ng mundo ngunit hindi naman ito ang daan sa tunay na kapayapaan, kaligayahan at pagkakaroon ng ganap na buhay. Hiling ng Simbahan na maging tapat tayong mga disipulo ni Hesus hanggang sa wakas sa pamamagitan ng pagpapamalas ng matibay na karakter at ‘di natitinag na pananalig.

Narito sa wakas ang paanyaya ng Iglesia sa lahat ng mananampalataya: “In their public activities, Catholics should be inspired by the criteria of the Gospel objectives lived and interpreted by the Church. Legitimate diversity of opinion in temporal matters should not det­ract from the necessary agreement of Catholics defending and promo­ting values and projects of life derived from the morality of the Gospel.”

Hindi raw dapat matinag ang mga Kristiyano kung sakaling hindi sila matanggap o maintindihan ng iba dahil sa kanilang malasakit at pagmamahal. Gayunman, mas nakababahala raw ang katotohanan na napakaraming binyagan ang ikinahihiya si HesuKristo sa samu’t saring pagkakataon at sitwasyon ngayon. Tunay na timely ang puna ni Cardinal Luis Antonio Tagle sa pagiging tapat at totoong Kristiyano sa panahon ngayon.