Una sa Balita

Hamon sa mapagpakumbabang paglilingkod

By
0 520

Bukas na ang hu­ling araw ng ‘Buwan ni Maria’ sa kalendaryo ng Simbahan. Ipinagdiriwang kada taon tuwing Mayo 31 ng Iglesia Katolika ang ‘Kapista­han ng Pagdalaw ng Birhen’. Sa araw na ito, ginugunita ng mga mananampalataya ang pagtungo ni Maria kay Elizabeth na katulad niya ay nagdalantao ayon sa plano ng Diyos.

Turo ng Simbahan, pinarangalan si Elizabeth ng pagdalaw ng Ina ng kanyang Pa­nginoon, subalit ninais lamang ni Maria ibahagi ang kanyang kagalakan. Sa araw na ito ipinapahayag ng buong Iglesia ang matibay na pananalig na ibinababa ng Panginoong Diyos ang mga makapangyarihan at itinataas ang aba ayon sa ‘Magnificat’ ng Birhen.

Paliwanag ng Iglesia, tinutulungan tayo ng ‘Ikalawang Misteryo ng Tuwa’ ng Santo Rosaryo unawain kung bakit pinili ng langit si Maria bilang karapat-dapat na ‘tabernakulo’ ng mapagpakumbabang Diyos na nasa kanyang sinapupunan. Ang malasakit sa kapwa ng Mahal na Birhen ay perpektong ehemplo raw ng ‘karukhaan sa espiritu’.

Dagdag ng Simbahan, “by virtue of the Christ child within her, Mary’s visitation to Elizabeth represents the visitation of God to his people.” Kaya nga ‘Teotokos’ at ‘Ark of the New Covenant’ ang tawag kay Maria ay dahil dala nito sa kanyang sinapupunan ang Bugtong na Anak ng Diyos upang iprisinta sa buong mundo, lalo’t higit sa mga dukha.

Hindi lamang isang pagbabalik-tanaw sa isang pangyayari sa buhay ni HesuKristo ang kapistahang gugunitain bukas, giit ng Simbahan, kundi pagdiriwang ng tunay na ‘padalaw’ ng Panginoon sa Kanyang mga hinirang. Dumarating ang Poon sa atin araw-araw sa iba’t ibang halata at ‘di halatang paraan — kailangan lang natin maging sensitibo!

Narito ang napakagandang paalala ng Simbahan sa bisperas ng Pista ng Birhen: “Our life is immersed in God; nothing happens that He is unaware of.” Bawat yugto raw ng ating buhay ay oportunidad upang ulinigin at mabanaag ang natatagong boses, presensiya at kamay ng Panginoon. Palagiang payo ng Iglesia, maging mulat nawa tayo tuwina sa mga pagbisita ng Diyos sa ating buhay!

Sa palagiang pagninilay ng nasabing tagpo sa buhay ng Pa­nginoon kung saan lahat ay napuspos ng Espiritu Santo, hiling natin sa Poon na ipahintulot Niyang matularan natin ang Mahal na Birhen, higit sa lahat, sa Kanyang mapagpa­kumbabang malasakit at paglilingkod sa kapwa. Dasal natin na lubos na buksan ang puso sa Kanyang salita upang ipahayag ito nang may kagalakan sa lahat ng tao tulad ni Maria.

Hilingin natin sa Poon bukas sa Pista ng Pagdalaw ng Mahal na Birhen na ang mga namumuno sa mga bansa nawa’y makagawa ng mga programa sa pagtatag ng isang higit na maayos na mundo ayon sa diwa ng mapagpakumbabang malasakit ni Maria. Sa gitna ng ating mga tagumpay, patuloy nawa tayong magsilbi nang taos-puso at magpuri sa Panginoon na may espesyal na pagmamahal sa mga aba.