Una sa Balita

Hamon sa Bagong Taon

By
0 682

Lagi nga nating sinasabi na ang Bagong Taon ay simbolo ng bagong pag-asa, at ng bagong lakas sa pakikibaka para sa mga adbokasiya na patuloy nating isinusulong para sa ating mga kababayan.

Bago matapos ang 2017, nasilayan natin ang buong implementasyon ng Enhanced Anti-Hospital ­Deposit Law na aking inakda sa Senado. Dahil dito, lahat ng mga ospital sa bansa ay kailangang sumunod upang maiwasan ang mas matinding parusa ng batas. Hindi na nila pwedeng hingan ng deposito ang mga pasyenteng nasa emergency cases.

Ang aking panukalang Mental Health Bill naman ay naipasa na ng dalawang kapulungan ng Kongreso bago pa man magtapos ang taon nga­yong Disyembre. Nagkaroon na kami ng aprubadong bersyon sa bicam kung saan handa na ito para pirmahan ng Presidente at maging ganap na batas. Umaasa tayong mapi­pirmahan agad ito sa lalong madaling panahon upang magkaroon ng ayuda at benepisyo ang mga nangangailangan.

Sa nalalapit na pagpasok ng Bagong Taon, patuloy kong ipapanawagan ang mabilisang pagpasa ng Expanded Maternity Leave. Pasado na ito sa Senado at naka-pending na lang sa House of Representatives para sa kanilang bersyon. Isa ito sa tatrabahuhin natin sa pagbabalik ng Senado ngayong ­Enero. Kailangan na itong maisabatas. Matagal nang naghihintay ang ating mga kababaihan na maipasa ito.

Ang parati nating sinasabi, ang malusog na pamilya ay senyales ng isang malusog na pamayanan. Makakaasa po kayo na babantayan na­ting maigi ang pagdinig sa panukalang ito. Hindi rin tayo titigil sa pagtawag ng pansin sa ating mga kongresista na bilisan ang pag-usad ng panukalang ito sa kanilang kapulungan upang mapakinabangan na ito ng ating mga nanay.

Patuloy din nating ipinaglalaban ang karapatan ng mga may HIV sa pamamagitan ng aking panukalang Philippine HIV-AIDS Policy Bill (Senate Bill No. 376) na nagtutulak sa isang evidence-based, human rights-based na pagtugon sa isyu ng HIV-AIDS. Kailangan natin ang batas na ito lalo na ngayon na 33 porsyento lamang sa mga HIV positive nating kababayan ang naka-enroll sa treatment programs ng pamahalaan dahil sa pagkatakot ng karamihan sa diskriminasyon.

Related Posts

Maharlika

Bawat araw

Isa rin sa mga prayoridad natin ay ang pagtulak sa Senado para sa pagpasa ng Anti-Discrimination Bill (Senate Bill No. 935) upang matahak natin ang landas ng pagkakapantay-pantay sa ating lipunan at tuluyang matuldukan ang diskriminasyon laban sa ating mga kababayang LGBTQ na base lamang sa kanilang gender identity at sexual orientation.

Gayundin, sisikapin nating maipasa ang ­aking panukalang Mandatory PhilHealth Coverage for PWDs (SBN 377) na nagnanais na maging awtomatiko ang coverage ng mga kababayan nating may mga kapansanan sa ilalim ng PhilHealth program ng ating gobyerno.

Minungkahi natin na ang pondo para sa insurance ng mga PWDs ay manggaling sa sin tax collection. Nakapaghain na po kami ng Committee Report dito at sisikapin naming gumulong ang pagdinig ng panukulang ito sa Senado.

Maligayang Bagong Taon sa inyong lahat at nawa’y magkaroon ng kapayapaan at pagmamahal ang bawat pamilya sa ating lipunan.

***

Sa mga nagnanais na magpadala ng katanungang pangkalusugan at pangkababaihan kay Senator Risa Hontiveros, sumulat lamang sa itanongkayrisa@gmail.com.