Una sa Balita

‘Halik’, ‘Ang Probinsyano’ kinababaliwan sa buong bansa

0 402

Namayagpag muli ang ABS-CBN sa paghatid ng mga makabuluhang balita at kuwentong puno ng aral noong Nobyembre sa pagtala nito ng average audience share na 45%, o 15 na puntos na lamang laban sa 30% ng GMA, ayon sa datos ng Kantar Media.

Buong buwang kina­pitan ng mas maraming Pilipino ang Kapamilya network sa parehong urban at rural homes, partikular na sa Mega Manila sa pagtala nito ng average audience share na 37% kumpara sa 29% ng kalaban, at sa Metro Manila sa pagrehistro naman nito ng 43%, o 20 puntos na lamang sa 23% ng kalaban.

Tinutukan din ang ABS-CBN sa Total Luzon sa pagkamit nito ng 40% kontra sa 32% ng GMA, sa Total Visayas kung nakakuha ito ng 53% kumpara sa 24% ng Siyete, at Total Mindanao sa pagtala nito ng 53% laban sa 26% ng GMA.

Kinakatawan ng Kantar Media ang 100% ng mga manonood ng telebisyon sa buong bansa sa paggamit nito ng nationwide panel size na 2,610 na urban at rural homes.

“FPJ’s Ang Probinsyano” (40.3%) pa rin ang numero unong palabas sa bansa, na sinundan ng flagship newscast ng ABS-CBN na “TV Patrol” (30.6%).

Pasok din sa top ten ang “Nga­yon at Kailanman” (29.1%), “Halik” (26.2%), “The Kids’ Choice” (25.9%), “Wansapanataym” (25.1%), “Home Sweetie Home” (22.2%), “Maalaala Mo Kaya” (22%), at “Meteor Garden” (21.9%).

Panalo rin ang ABS-CBN sa lahat ng time blocks, partikular na sa primetime kung saan nagkamit ito ng average audience share na 49%, o 19 na puntos na lamang kumpara sa 30% ng GMA.

Nanguna rin ang Kapamilya network sa morning block (6AM-12NN) matapos itong magkamit ng average audience share na 37% kumpara sa 26% ng katapat, sa noontime block (12NN-3PM) sa pagtala nito ng 43% vs 31%, at afternoon block (3PM-6PM) sa pagrehistro nito ng 45% kontra sa 32% ng kalaban.