Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Halata na ang tiyan? Julia binawalang magpunta sa burol

0 1,499

Ayaw pa ring tantanan ng mga ‘Marites’ ang kakaibang napansin nila tungkol kay Julia Montes. Nagkakaisa sila sa pagsasabing nagdadalantao ngayon ang aktres.

Ang kanilang resibo ay ang kapansin-pansing umbok sa bandang tiyan ni Julia, itinatago pa raw niya ‘yun sa pagkukubli ng kanyang tiyan sa kung anu-anong paraan, tulad ng paglalagay ng libro at iba pang kagamitan sa harapan niya kapag nagpaparetrato.

Pinagpipistahan ng ating mga kababayan ang sinasabing kundisyon ngayon ng ilang taon nang karelasyon ni Coco Martin na walang direktang pag-amin.

Paano nga ba naman aamin sina Julia at Coco sa kasalukuyang isyu, samantalang kahit ang kanilang relasyon nga ay hindi pa rin naman nila inaamin, bigay na bigay lang ang mga patotoo na magkarelasyon nga sila.

Nagsimulang pumutok ang balita nang hindi dumalo sa eulogy para sa namayapang ‘Reyna Ng Pelikula’ na si Manang Inday si Julia. Nandu’n ang lahat ng mga artista ng seryeng ‘Ang Probinsyano’ sa lamay pero wala siya.

May naglabas ng komento na bawal daw kasi sa nagdadalantao ang pagpunta sa burol, kaya hindi dumating si Julia, idagdag pa ang identical rings na suot-suot nilang dalawa.

Kung tutuusin ay hindi na bago ang istoryang ito dahil nu’ng 2019 ay pumutok na ang balitang nanganak si Julia sa isang ospital at si Coco ang itinuturong ama ng sanggol.

Dahil kilala si Coco sa pagiging pikon, nagalit ang aktor sa mga press people, wala na nga raw nagagawang maganda para sa kanila ay naninira pa. Maraming nagalit sa action star, nabuhay sila ni Julia sa bashing, wala raw silang utang na loob sa publikong sumsusuporta sa kanila.

Ibig sabihin, napakalaki ng nakuhang pribilehiyo ni Coco sa pag-aartista, nagbago ang kanyang kabuhayan pero ni hindi man lang nito maibahagi sa publiko ang katotohanan.

Ikalawang yugto na ng kuwento ang sinasabing pagdadalantao ngayon ni Julia Montes, hindi na bago ang istorya, nu’ng taong 2019 pa ay marami nang naniniwalang meron na silang anak.

Sabi nga ng aming source, “Babae ang anak nila, isinunod nila ang pangalan ng bata sa lola ni Coco, marami nang nakakaalam nu’n.

“Kung bakit ayaw pa nilang umamin, e, sa kanila na ‘yun, pero alam nila ang katotohanan,” madiing sabi ng aming source.

Alagang-alaga ni Lotlot: Nora maayos na ang kundisyon

Nakahinga na nang maluwag ang mga tagasuporta ni Nora Aunor dahil maganda ang balitang lumulutang ngayon na maayos na ang kanyang kalagayan.

Ilang panahon nang napapabalita na nahihirapan ang Superstar sa paghinga. Konting galaw lang niya ay nakakaramdam na siya ng pagod.

‘Yun ang dahilan kung bakit palagi siyang naka-oxygen. Hindi na bumabata si Nora, sixty nine (69) na siya ngayon, kaya natural lang na makaramdam na siya ng iba-ibang sakit.

Naospital ang Superstar, binantayan ang kanyang kundisyon, maraming salamat naman at balitang unti-unti na siyang nakababawi ng lakas ngayon.

Isa pang ikinaligaya ng mga kababayan natin, lalo na ng mga Noranians, ay ang muling pagkakaroon ng tulay sa pagitan nila ng kanyang anak na si Lotlot de Leon.

Ito ang madalas na nagbabantay-nag-aalaga ngayon sa kanyang ina, nakatutuwang malaman na naputol na ang kanilang hidwaan, siguradong ikinaliligaya ni Nora ang senaryong ito.

Hindi na mahalaga kung saan nagsimula ang hindi nila pagkakaintindihan, ang importante ay heto na uli sila ngayon, magkasama na at nagpapalitan ng pagmamahal na napakatagal na panahon nilang hindi naramdaman mula sa bawat isa.

Patuloy pa rin nating bahaginan ng dasal ang kundisyon ni Nora Aunor, mas maraming nananalangin ay mas bumibilis ang resulta, tuloy-tuloy na sanang gumanda at maging maayos ang kanyang sitwasyon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.