Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Halaga ng GMRC at values education

0 225

Itinalaga po ang buong buwan ng Nobyembre taon-taon bilang “Filipino Values Month” sa bisa ng Proclamation No. 479 na unang ipinatupad noon pang taong 1994.

Isang magandang pagkakataon po ito para bigyang-pansin ang mga pagpapahalaga ng mga Pilipino tulad ng pagiging matapat, magalang, masunurin sa batas at kung paano mamuhay nang may etika at moralidad.

Nagagalak po tayong malaman na sa kabila ng pandemya, marami pa ring mga paaralan ang nagdaos ng kani-kanilang “Filipino Vaues Month” sa pamamagitan ng online celebration.

Isa na po rito ang Sauyo High School sa Quezon City na nagsagawa ng programa sa pamamagitan ng Google Meet na may temang “Pagpapahalagang Pilipino: Pinagyaman at Pinatatag ng Pamilya sa Panahon ng Pandemya”.

Magugunitang namigay ng libreng gadget o tablet ang Quezon City LGU sa lahat ng mga mag-aaral sa public high ng syudad kaya naging posible ang partisipasyon ng mga bata sa programa.

Naging okasyon po ito para maipaalala ng mga guro sa kanilang mga estudyante, tulad ng Edukasyon sa Pagkakakatao (ESP) teacher na si Gng. Mary Aileen S. Valera, ang importansiya na mapatatag ang mga Filipino values lalo na ngayong may krisis sa bansa.

Bagamat mas binibigyan ng pansin ang mga subject na gaya ng Math, Science at English sa kurikulum ng K-12, kailangan din pong pagtuunan ng pansin ang pagtuturo sa ating mga kabataan ng kagandahang-asal at wastong pag-uugali o GMRC at Edukasyon sa Pagpapahalaga o Values Education.

Ito po ang dahilan kung bakit isinulong natin sa Senado ang Comprehensive Values Education Bill na naging batas nito lamang pong ika-25 ng Hunyo 2020 matapos itong lagdaan ng ating Pangulo.

Nakasaad po sa Republic Act No. 11476 o “GMRC and Values Education Law” na kailangang gawing permanente sa K-12 kurikulum ang pagtuturo ng GMRC at Values education.

Para sa Grade 1 hanggang 10, kailangan nang gawing separate o hiwalay na subject ang GMRC at Values Education at dapat ring bigyan ito ng oras na katumbas ng panahong iginugugol sa mga core subject tulad ng Math, Science at English.

Ipapaloob naman po o gagawing integrated ang Values Education sa lahat ng mga aralin sa Senior High School o Grade 11 at 12.

Samantala, itinataguyod din po ng ating isinulong na batas ang “whole-of-school approach” o isang pamamaraan kung saan kasama ang mga magulang at ang buong komunidad sa edukasyon ng mga bata sa pamamagitan ng pagkakaroon ng koordinasyon at partnership.

Naobserbahan po kasi na tila taliwas na ang mga nakikita ng mga bata sa labas ng paaralan sa mga wastong pag-uugali at pagpapahalagang itinuturo sa loob ng ating mga klasrum.

May kasabihan nga po sa Ingles na “values are caught, not taught” kaya importante pong kasama ang mga magulang, ang ating mga lider sa komunidad, gayundin ang media, sa pagbalangkas ng mga programa at mga character building activities sa loob at labas ng paaralan.

Magiging mabisa po ang paggabay sa ating mga kabataan na maging makabayan, makatao, makakalikasan at maka-Diyos kung tulong-tulong ang buong paaralan at ang ating mga komunidad.

Nananawagan po tayo sa DepEd na magpalabas na ng Implementing Rules and Regulations o IRR ng Republic Act No. 11476 para mabigyan ng sapat na paggabay ang ating mga guro lalo na ang mga Teacher Education Institutions (TEIs) sa paghulma ng programa para sa training ng ating mga Values Education Teacher.

Nakasaad po kasi sa ating batas na prayoridad ang mga gurong may sapat na training o specialization sa values education sa mga hahawak ng GMRC at Values Education subject.

Bilang inyong empleyado sa Senado, ang pag-aangat po ng dangal ng mga Pilipino sa pamamagitan ng wastong edukasyon at training ang naging sentro ng ating legislative agenda o mga isinusulong na batas.

Naniniwala po tayo na nakasalalay sa kalidad ng pagkatao na bawat Pilipino ang ating pag-unlad o pag-asenso. Hindi naman po natin gugustuhin ang isang maunlad na ekonomiya subalit walang pagpapahalaga ang mga mamamayan sa ating nasyonalismo, walang takot sa Diyos o walang respeto sa dangal at karapatan ng bawat tao.

Sa gitna po ng mga pagbabagong nararanasan natin bunsod ng “new normal” at patuloy na pag-unlad ng teknolohiya, ang mga wastong pag-uugali at mga pagpapahalaga ang magbibigay sa atin ng direksyon o “inner compass” bilang isang bansa tungo sa ninanais nating maganda at matatag na kinabukasan.

senatorjoelvillanueva@yahoo.com

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.