Una sa Balita

Hagupit Ni ‘Tisoy’

0 368

HINAGUPIT ng bagyong ‘Tisoy’ ang malaking bahagi ng Pilipinas, ang pinakamalakas na bagyong tumama sa bansa ngayong taon.

Nag-iwan ito ng malaking pinsala sa buong Bicol region at Northern Samar na siyang u­nang tinumbok ng bagyo bago nanalasa sa ibang lugar. Walang kuryente sa buong kabikulan.

Apat katao ang naiulat na patay sa pananalasa ng bagyo. Unang iniulat ng Police Regional Office (PRO) 5 ang pagkamatay ng biktimang si Marco Paulo Ursua, residente ng Centro B Barangay Loba-Loba, Libmanan, Camarines Sur matapos na makuryente ito ng madikit ang bitbit na yero sa natalupang live wire.

Dakong alas-4:30 naman nang hapon ng nitong Lunes nang mamatay ang biktimang si Joel Beledio, 38-anyos, obrero, matapos na mabagsakan ng malaking sanga ng puno ng Gemelina na itinumba ng malakas na hangin sa Ormoc City.

Ayon kay Police Major Alvin Shevert Machete, hepe ng Police Station 1 ng Ormoc City PNP, maagang pinauwi sa trabaho ang biktima at mga kasamahan nito dahil para makapaghanda sila sa paparating na bagyong Tisoy.

Subalit habang minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo pauwi ng Barangay Boroc ay nagsimula ng bumayo ang malalakas na hangin at isang malaking sanga ng puno ng Gemelina ang nabali at eksaktong bumagsak sa paparating na biktima.

Samantala dalawa rin ang nasawi sa Oriental Mindoro matapos mabagok umano ang ulo ng isang lalaki habang naglilinis sa kanyang bakuran habang ang isang lalaki naman ay nadaganan ng bubungan ng kanyang kusina sa kasagsagan ng bayo ni Tisoy sa lalawigan.

Apat na beses tumama sa kalupaan ang bagyo at bahagyang humina ito habang tinatahak ang direksyon patungo sa West Philippine Sea ay nanatiling nakataas ang storm signal No. 3 sa tatlong lugar habang malaking bahagi pa rin ng Luzon ang nasa ilalim ng storm signal No. 2.

Unang nag-landfall ang bagyong Tisoy, alas-11:00 nang gabi ng Disyembre 2 sa Gubat, Sorsogon; alas-4:00 nang madaling-araw (Dis­yembre 3) ang ikalawa nitong landfall sa San Pascual, Burias Island, Masbate; alas-8:30 nang umaga naman ang ikatlong pagtama sa lupa sa Torrijos, Marinduque at alas-12:30 nang tanghali sa Naujan, Oriental Mindoro.

Sa 5:00 pm weather update ng Philippine Atmospehric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) sinabi nito na patuloy na makakaranas ng tuloy-tuloy na pag-uulan sa Quezon, Rizal, Mindoro Provinces, Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Marinduque at Romblon.

Ang mga residente sa nasabing lugar ay ina­abisuhan na patuloy na mag-ingat dahil malala­kas na ulan pa rin ang hatid ng bagyo na maa­ring magdulot ng landslide.

Dakong tanghali ay sinuspinde ng Palasyo ang pasok sa lahat ng government office subalit maraming local government unit ang maagang nagsuspinde ng pasok.

Tinatayang 30,000 katao ang inilikas sa Eastern Visayas. Nauna nang inilikas ang higit 100,000 katao sa Albay.

Sa Quezon, higit sa 27,000 katao ang inilikas noong Lunes nang gabi pa lamang. Wala namang naiulat na nasawi sa nasabing lalawigan.
Sa Maynila, 800 pamilya sa Isla Puting Bato ang inilikas ng pamahalaang lokal ng Maynila sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo. Dinala sila sa Delpan evacuation center.

Napilitan ding isara ang apat na terminal sa Ninoy Aquino International Airport sa loob ng 12 oras dahil sa bagyo. (Edwin Balasa/Tina Mendoza/Aileen Taliping/Juliet de Loza/Ronilo Dagos/Vick Aquino)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy