Una sa Balita

Habulin ang nagsasamantala sa TRAIN Law

By
0 1,308

Inamin ng Department of Finance (DOF) na diumano ay mayroong mga nagsasamantalang negosyante sa Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law kaya tumaas ang presyo ng mga bilihin.

Mismong ang DOF ang nagsabi na na-monitor na nila ang ‘profiteering’ gamit ang TRAIN Law noong Enero pa lamang kaya tumaas ang presyo ng mga bilihin. Sa kabila nito, patuloy ang inflation na mas pumalo pa noong Pebrero.

Sa ganitong galaw ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado, hindi dapat hayaan lamang o palagpasin ang mga negosyanteng ito na nagsamantala sa ating mga kababayan.

Mas lalo na sa mga kababayan nating isang kahig, isang tuka na nawiwindang na kung saan kukuha ng pandagdag sa kanilang budget sa pagkain.

Kung talagang may natitira pang malasakit ang administrasyong ito sa mga mamamayan, patawan ng parusa ang mga nagsasamantalang negosyante, malaki man o maliliit, dahil marami ang lalong naghigpit ng sinturon dahil sa biglang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Hindi dapat palagpasin ang mga negos­yanteng ito na imbes na makatulong sa kanilang kapwa ay sinasamantala ang TRAIN Law upang lalong lumaki ang kanilang kita.

Patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at mismong ang DOF ang nagsabi na buwan-buwan ay tumataas ng 0.8 percent ang inflation rate at kasama na sa mga dahilan dito ay ang profiteering.

Masyadong malaki ito para sa mga karaniwang mamamayan na hindi naman nakikinabang sa pagbabawas ng income tax dahil hindi naman bahagi ng pormal na ekonomiya.

‘Yung mga tao sa mga probinsya na umaasa lang sa pansamantalang trabaho sa bukid ay lalong nahihirapan at masasaktan na ­dahil nahagip sa pagtaas ng presyo ng mga pagkain na kanilang kailangan araw-araw.

Ganitong sitwasyon ang pinagdaraanan ng mga tao dahil sa bagong batas sa pagbubuwis ng administrasyong Duterte.

Hindi lang kasi sa mga lungsod lalo na sa Metro Manila nagtataasan ang presyo ng mga bilihin kundi maging sa mga palengke sa mga malala­yong probinsya sa ating bansa at ang karaniwang dahilan ng mga tindero at tindera ay dahil sa TRAIN Law.

Huwag niyo nang hintayin ang mga tao na kumapit sa patalim para lang mabuhay kaya dapat hindi palagpasin ng gobyernong ito ang mga nagsasamantalang negosyante at parusahan kung kinakailangan para itigil na nila ang kanilang pagsasamantala sa kapwa.

Ang mismong TRAIN Law pa lamang ay pahirap na sa mga mamamayan. Kung ito ay sasabayan pa ng mga mapagsamantalang negosyante, siguradong lugmok na sa kahirapan ang marami sa ating mga kababayan.

Hindi lamang monito­ring ang dapat gawin ng mga kinauukulan. Panagutin ang mga mapagsamantala at siguraduhing mapoproteksyunan na ang mga konsumer mula sa mga nandaraya sa presyo ng mga bilihin.