Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Habilin sa atin ng Mahal na Birhen sa Fatima

0 103

Ginunita kahapon ng Simbahan ang huling aparisyon ng Mahal na Birhen Fatima, nitong Oktubre 13, 1917.

Sa araw na iyon naganap ang pinaka-iintay na ‘milagro’ ng mga tao ukol sa katotohanan ng kontrobersiyal na pagpapahiwatig ng Birhen sa Cova da Iria sa tatlong batang pastol- Lucia Santos (10), Jancinta (7) at Francisco Marto (9).

Eksaktong 103 taon na ngayon nang mangyari sa lupang dating pag-aari ng pamilya Santos ang tanyag na ‘Miracle of the Sun’ na nasaksihan ng humigit kumulang 70,000 tao. Sa araw na ito nagpakilala ang pangitain bilang ‘Birhen ng Rosaryo’ dala ang paanyaya ng langit sa pagbabalik-loob upang makamit ng sangkatauhan ang kaligtasan.

Magdamag noong umulan; akala ng marami hindi na matutuloy ang propesiya. Nang dumating ang Birhen bandang alas dos ng hapon, tumila na ang buhos. Napansin ng mga bata ang lungkot sa mukha ng Birhen na nagsabing hindi lahat ay sasampalataya. Kailangang tumigil nang saktan ng sangkatauhan ang Panginoon na lubos nang nasasaktan, aniya.

Pagkahudyat ng Birhen paitaas, biglang nagbagu-bago ng kulay at nagsasayaw ang araw sa langit, gumalaw papalapit at palayo sa sa mga madlang naisigawan sa takot. Tumagal ang penomeno humigit kumulang 10 minuto hanggang bumalik ang araw sa normal nitong posisyon.

Nasaksihan ang pagbabago sa himpapawid, maging ng mga karatıg bayan 25 milya ang layo. Nag-iyakan ang mga nakakita na nag-akalang katapusan na ng mundo. Napansin rin ng mga naroon, na ang kanilang nabasa sa ulan na mga damit ay milgarong natuyo.

Bago tuluyang namaalam, isiniwalat ng Birhen na matatapos na ang digmaan [World War 1]. Habilin ni Maria ang dalawang bagay sa paulit-ulit niyang pagpaparamdam sa Fatima— panalangin at pagsisisi. Pagkatapos ng ‘Milagro ng Araw” nagpakita noong araw ding iyon si San Jose at si HesusKristo na binabasbasan ang mundo.

Sa loob ng 103 taon, nananatiling paalala at babala ang Fatima upang makamıt ng mundo ang tunay at walang katapusang kapayapaan. Noong 1930 idineklara ng Vatican ang milagro bilang “worthy of belief”. Ayon kay Tom Hoopes, isang American writer: “The miracle told the world of God’s huge humility. The storage nature of the ‘Miracle of the Sun’ announced ahead of time is hard to exaggerate!”

Konklusyon ni Hoopes, “God doesn’t need to give a big display to prove himself: The cosmos is big enough…but sometime he does anyway. The miracle makes clear that God is also the ‘hound of heaven’ the humble God who will stop at nothing to win our love.”

Taong 2017 nang aprubahan ni Pope Francis and milagro na nakamit sa pamamagitan ni Francisco at Jancinta. Sa Ika-100 taon ng Fatima kinilala sila bilang mga santo. Sa kasalukuyan, umuusad na rin ang imbestigasyon para sa canonization Sister Lucia ng Fatima.

Para sa Simbahang Katolika, hindi Isang ‘mass hypnotism,’ o natural na pagbabago lang sa atmospera ang naganap noong Oktubre 13, 1917 sa Cova da Iria, kundi isang ‘mapagpakumbabang aksiyon’ ng Diyos upang ipahiwatig ang Kanyang malasakit at habag sa sangkatauhan.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.