Una sa Balita

Habambuhay na pagkabilanggo hatol sa tulak

By
0 285

Habambuhay na pag­kabilanggo ang inihatol ng Valenzuela City Regional Trial Court (RTC) sa isang drug pusher matapos ang mahigit apat na taong paglilitis.

Base sa walong pahinang desisyon ni Hon. Lilia Mercedes Encarnacion A. Gepty, Presiding Judge ng Valenzuela City RTC Branch 75, walang pag-a­alinlangan na nagkasala si Jason Tanon, 35, residente ng Tiwala Street, Barangay Dalandanan, Va­lenzuela City.

Nakasaad sa hatol sa Sec. 11 of R. A. 9165 na pinatawan si Tanon ng 12 taon at isang araw hanggang 15 taon pagkakabilanggo bukod sa pagbabayad nito ng P300,000.

Gumuho naman ang mundo ng convicted sa inihatol sa kanya ng korte sa kasong Sec. 5 of R. A. 9165, dahil bukod sa pinagmumulta siya ng P500,000, life im­prisonment pa ang bubunuin nito sa National Bilibid Prisons sa Muntinlupa.

Sa record ng Valenzuela Police, nahuli si Tanon noong March 11, 2014 sa isinagawang buy-bust operation sa Tiwala Street, Brgy. Dalandanan, Valenzuela City.

Si SP01 Roberto Santillan ang nagsilbing buyer ng shabu at umiskor kay Tanon na nagkakahalaga ng P200.

Sa isinagawang pag­lilitis, kinatigan ng Mababang Hukuman ang panig ng taga-usig at sa mga iprinisintang ebidensiya ng prosecution.