Una sa Balita

This guy is mine

By
0 539

Ika-4 na labas

Ilang saglit pa at tumatakbo na nang magkakasabay ang magkakaibigang Bhing, Vanessa, Julie, Jhona, Mhae at Shiela. Pero nalibot na nila ang plaza ay hindi pa nila namamataan si Justin.

“Girls, hinihingal na’ko, pero ni anino niya hindi pa rin natin nakikita!” reklamo ni Julie na huminto sa pagtakbo.

“Oo nga, ako rin… teka, hindi kaya ginood time lang tayo ni Sis Red para mapilitan tayong mag-exercise?” napapaisip na tanong ni Jhona.

Nagkatinginan sila.

“Hindi naman siguro!” pagtatanggol ni Mhae.

“Oo nga.” Sang-ayon naman ni Shiela.

“Okay, so pa’no, itutuloy pa ba natin to?” hirit na tanong ni Julie.

Nang biglang dumaan sa harapan nila ang tumatakbong si Justin. Lahat sila ay natulala.

Biglang tila naging slow motion ang pagtakbo ng binata sa harapan nila. Lalo na ang pagkaway nito. Sabay-sabay din silang kumaway bilang tugon dito.

“Ahahay ang gwapo talaga niya!” si Bhing.

“Girls, ano pang hinihintay natin, tara takbo na rin tayo!” aya ni Vanessa.

“Teka, teka lang muna, kanina pa tayo takbo nang takbo, pwede ba kayo na lang muna, nakita ko na naman siya, solve na’ko ro’n, tomguts na tummy ko eh!” awat naman ni Julie.

“Ay oo nga, gutom na rin ako, mukhang hindi ko na kayang tumakbo!” segunda naman ni Jhona.

“Hay naku, o sige na, bumalik na kayo sa boarding house at hinihintay na kayo ng almusal, hahabulin pa namin si Papa Justin!” sabay takbo na ni Bhing na sinundan ng iba pa nilang sisterets maliban sa magkapatid.

“Bilisan nyong tumakbo ha, baka maunahan pa kayo ng iba!” habol na sigaw ni Julie na sinamahan pa ng pagkaway.

Kakahabol naman ay biglang natapilok si Bhing at nadapa. Napalingon si Justin nang magtilian ang mga sisterets. Iiling-iling itong nilapitan ang mga magkakaibigan at tinulungang makatayo si Bhing.

Pakiramdam ni Bhing ay bumagal ang takbo ng mundo nang abutin ni Justin ang kamay niya.

“Are you okay?”

Hindi makasagot ang dalaga na napatitig sa kaguwapuhan ng mukha na nasa harapan niya.

“M-Miss, okay ka lang ba?”

Hindi na nakatiis si Shiela, pumitik ito sa pagitan ng mga mata ni Bhing.

“Huy, okay ka lang daw ba?”

“Ay, oo naman, okay na okay lang ako!” sa wakas ay tugon ni Bhing.

“Well, take extra care next time.” Pagkasabi niyon ay nakangiting tinalikuran na sila ng binata.

Nang makalayo ito ay saka nagkatinginan at muling nagtilian ang magkakaibigan.

Related Posts

“EEEEEE!”

“Sis Bhing, effective ang plano mo ha!” si Mhae.

“Hoy grabe ka, hindi kasama sa plano ‘yon, ang sakit kaya ng paa ko, dapat pala pinahilot ko muna sa kanya eh!”

“No, hindi na’ko papayag no’n, nakaiskor ka na, kami naman sa susunod!” hirit ni Vanessa.

“Oo nga tama si Sis Vanessa, pero okay lang din naman sa akin kung hindi ako makaiskor, makita ko lang siya kuntento na’ko!”

“Naku Mhae, ang mga hirit mo pasimple eh!” natatawang sabi ni Vanessa.

“Ako okay lang din na di makaiskor, alam ko naman mabagal ako kaya siguradong mapapag-iwanan…” hirit naman ni Shiela.

“Isa ka pa Shiela eh, paawa effect?” si Vanessa.

“Kanya-kanyang style lang ‘yan!” sabi pa ni Mhae habang tumatakbo na sila.

Dinatnan nina Julie at Jhona ang apat na nag-aalmusal na. Sina Lanie, Mayla, Jha at Red.

“O, bakit kayo lang, asan yung iba?” tanong ni Red.

“Hay naku, naghahabol pa sila kay Papa Justin, hindi na namin keri ni Ate Jhona!”

Nag-unahan pa sa bangko ang magkapatid.

“Pwede ba wag nga kayong magkagulo sa iisang bangko, ang daming bakante oh!” saway ni Lanie sa dalawa.

“E pa’no gusto ni Julie malapit sa kanina!” tukso ni Jhona.

“Ikaw naman gusto mo malapit sa ulam!” bawi ni Julie.

“Oo na, pareho nyo namang gusto malapit sa pagkain, saka alam naman namin na hindi kayo tatagal sa pagtakbo.” Natatawang biro din ni Lanie sa dalawa.

“Naku, naku, naku, ikaw nga to diyan, wala ka rin itatagal sa takbuhan!” ganti naman ni Julie.

“O siya tama na ‘yang asaran na ‘yan, kumain na kayo.” Awat ni Red.

Dahil araw iyon ng Linggo kaya walang ginawa ang magkakaibigan kundi ang magrelaks at magsaya. Nagvideoke sila. Nagkuwentuhan. At nagpahinga.

Maalinsangan ang gabi kaya pumwesto si Lanie sa terrace at doon nagmuni-muni. Binuksan niya ang radio ng cellphone at naglagay ng earphone sa teynga. Mahilig siyang makinig ng mga mellow music. Nakakapagparelaks iyon sa kanya.

Samantala. Naisipan din ni Justin na pumwesto sa terrace naman ng apartment niya na katapat ng terrace ng magkakaibigan. Napatingin siya kay Lanie na hindi naman nakatingin sa kanya. Tila malayo ang tingin nito habang nagha-hum ng isang kanta. Napangiti ang binata. Isang ngiti na may kasamang kislap ng mata sa pagkakatitig niya sa dalaga.

Naantala ang pagmuuni-muni ni Lanie nang lapitan siya ni Julie.

“Hoy, ikaw ha, kaya ka pala andito, sumisimple ka!”

“Sumisimple ng ano?”

Inginuso ni Julie si Justin na nasa kaharap na terrace di kalayuan sa kanila. Hindi sinasad­yang nagtama ang paningin nina Lanie at Justin. Napakunot ang noo ni Julie dahil nahuli niya ang pagtatama ng tingin nila. Agad namang umiwas ng tingin si Lanie.

“Ikaw talaga Julie, malay ko bang nandiyan din ‘yan, tara na nga sa loob.” Sabay talikod nito.

Pero hindi pa agad sumunod si Julie. Ki­nawayan pa niya ang binata na tumugon din naman ng kaway sa kanya. (Itutuloy)