Una sa Balita

This guy is mine

By
0 539

Related Posts

Ika-28 na labas

Ospital.
Pilit nagpapakatatag si Lanie. Pero sa tuwing makikita niya si Gayle hindi niya maiwasan ang masaktan. Naiisip niya kung sinabi rin ba ni Justin dito ang mga sweetness na sinabi rin sa kanya. Kung naipadama rin ba ni Justin dito ang mga ipinaramdam sa kanya. Sa loob ng limang taon, ma­lamang higit pa sa naipadama at naipakita sa kanya ni Justin ang naibigay nito kay Gayle.
Tumayo si Lanie at lumapit sa bintana ng ospital. Sinundan siya ni Gayle at humalukipkip sa tabi niya.
“Ano sumusuko ka na ba?”
“Hindi, ‘wag kang umasa.”
“Ikaw ang wag ng umasa , dahil paggising ng honey ko siguradong ako ang pipiliin niya.”
“Wag ka ngang assuming, hintayin na lang natin siyang magising.” Inis na sabi ni Lanie.
“Bakit kasi pinaglalaban mo pa siya, malinaw naman na niloko ka lang niya diba?”
“E ikaw, bakit nandito ka pa, malinaw namang pinalitan ka na niya di ba?”
Natigilan si Gayle. Sumimangot at bumalik sa pwesto niya.
Dahil sa bigat ng nararamdaman ay humingi rin ng payo si Lanie kay Mamu Marissa na mudra ni Mhae.
“Mabuti naman at naisipan mo akong punta­han Lanie.”
“Malayo po kasi ang mga magulang ko at para ko na rin naman kayong magulang kaya naisip ko pong humingi ng payo sa inyo.”
Magkatabi silang naupo sa hagdanan.
“Alam mo kasi, ang pag-ibig masalimuot ‘yan. Lahat dumaraan sa pagsubok para malaman kung hanggan saan ang kaya at gaano ito katatag. Tingnan mo kami ng mister ko, away-bato, away-bati, kung minsan malalim na pag-aaway kung minsan mababaw, pero ang mga away na ‘yon ang nagbibigay kulay sa relasyon namin at nagbibi­gay ng tamis.”
“So, kapag po ba smooth sailing ang relationship, walang kulay at tamis ang pag-ibig?”
“Not really, pero hindi nito mapapatunayan kung gaano ang pagmamahal nyo sa isa’t-isa kasi walang chance. At wala ring thrill!”
“Kunsabagay, may point ka mamu…”
Naisipan din ni Lanie na lumapit kay Mamita Divine na mudra naman nina Julie at Jhona.
“Welcome Lanie! Buti at naalala mo ako.”
“Syempre naman po mamita, kayong dalawa ni mamu para na naming mga magulang sa boarding house.”
Magkasalo silang kumain ng merienda na inihanda ni mamita. Pansit bihon, sandwich at juice.
“Naku, umpisa pa lang ‘yan Lanie, marami pa kayong pagdadaanan kung hindi ka bibitaw. Pero kung bibitaw ka agad, e di wala na kayong pagdadaanan, tapos ang love story nyong dalawa.”
“Ha? Ang bilis naman po mamita!”
“Ganyan ang buhay, napakabilis ng ikot ng orasan, kaya dapat wala tayong inaaksayang panahon. Sabihin ang nilalaman ng puso hangga’t may pagkakataon. Gawin ang alam nating tama hangga’t magagawa natin. Kaya kung mahal mo ipaglaban mo, pag siya na mismo ang umayaw e di wow!”
Napangiti si Lanie sa sinabi ni mamita.
Isang umaga. Nakatutok sa radyo ang magkakaibigan. Hinihintay ang ipapayo ng DJ.
“Simple lang naman Lanie, hintayin mo siyang magising at saka mo siya kausapin ng masinsinan. Just be ready of whatever truth comes out.”
Pumalakpak si Red.
“O di ba, parehas kami ng advice ni Dj Chloe!”
Sa kabila ng payo ng mga kaibigan at maging ng ibang tao ay hindi pa rin mapanatag si Lanie. Gabi-gabi niya pa ring iniiyakan ang alalahanin tungkol sa kaugnayan ni Justin kay Gayle.
“Sssshhh, tama na ‘yan, kung ayaw mong ma­tulog magpatulog ka naman.” Mahinang saway ni Bhing sa paghikbi ni Lanie.
“Sis, pray ka na lang para mapanatag ka na.” mahinang sabi rin ni Red mula sa taas ng double deck.
Hanggang sa dumating ang araw na pinakahihintay ng lahat.
“L-Lanie…” usal ni Justin.
Pero si Gayle ang nasa tabi niya.
“G-Gayle? Anong ginagawa mo dito?”
“Gising ka na pala, wait lang tatawag ako ng nurse!”
Hinawakan ni Justin ang kamay ni Gayle. Tagpong inabutan ni Lanie na papasok na sana sa pintuan. Saglit siyang napatitig sa kamay ni Justin na nakahawak sa kamay ni Gayle kaya nagpasya siyang wag nang pumasok sa loob at umalis na lang.
“Wag ka munang tumawag ng nurse, I feel fine…Gayle, nasaan si Lanie?”
Humugot ng buntong hininga si Gayle at saka pabagsak na naupo sa upuan.
“Nasa labas lang ‘yon kuya.”
“Talaga? Sabihin mo sa’kin, binantayan ba niya ko.”
“Oo, bantay sarado nga eh.”
“Anong bantay sarado?”
“Nagpanggap akong gf mo rin, ayun, muntik na siyang maloka, pero ayaw ka niyang iwan, kaya ako ang naloka sa kabaliwan niya sa’yo.”
“Ano? Ginawa mo ‘yon?”
“Sorry na kuya, gusto ko lang naman siyang i-test, kung gaano ka niya kamahal at kung handa ka ba niyang ipaglaban.”
Hindi alam ni Justin kung matutuwa ba siya o magagalit sa ginawa ng half sister niya.
“Teka, paano ka naman nakarating dito, di ba nasa America ka?”
“Nabalitaan ko, akala ko walang mag-aalaga sa’yo kaya pinuntahan kita, yun pala meron na.”
Humawak si Justin sa ulo niya.
“Kuya hindi ka pa okay, tatawag na ako ng nurse!”
Mula sa ospital ay nagpalakad-lakad si Lanie sa labas. Walang tiyak na direksyon. Naisip niya, mukhang wala namang patutunguhan ang pag-ibig niya kay Justin. Ramdam na ramdam niya ang pagkirot ng puso niya nang makita niyang magkahawak kamay ang dalawa.
Sa boarding house, natahimik ang lahat pagda­ting ni Lanie. Malungkot ang mukha nito at walang kibong pumasok sa kuwarto.
“Anong nangyari?” tanong ni Mhae.
“B-baka dead na si Justin?” may halong biro sabi ni Jhona.
“Tse, wag ka ngang ganyan, e di sana umatungan na ng iyak yan sa’tin!” si Bhing.
“Baka naman nagising na si Papa Justin at pinili yung Gayle!” hirit ni Julie.
“Isa ka pa eh, pwede ba hayaan na lang muna natin siya, buti pa, dalawin natin si Justin sa ospital para malaman natin kung anong nangyayari?” suggestion ni Red.
“Korek!” sabay na segunda nina Vanessa at Shiela.
Nagpunta nga sa ospital ang magkakaibigan (Itutuloy)