Una sa Balita

This guy is mine

By
0 539

Related Posts

Ika-25 na labas

Nabitawan ni Lanie ang iniinom na kape habang break time nila.
“Sis, okay ka lang ba?” tanong ni Julie na kasama niya sa table.
“O-oo… nadulas lang sa kamay ko.”
Lumapit ang janitor ng canteen at nilinis ang natapon.
“Pasensya na ha.” ani Lanie dito.
“Okay lang po ma’am.” Tugon ng janitor.
Pagbalik sa office ay biglang nag-ring ang cellphone ni Lanie. Mula sa di kilalang number.
“Hello Miss Lanie Cabrera?”
“Yes, who’s this?”
“This is Jacob, Justin’s brother.”
“B-bakit po kayo napatawag?” kinakaba­hang tanong ni Lanie.
“I was in the hospital awhile ago, but I have to leave, I have so much work to do, tinawagan kita because…naaksidente si Justin and he needs you right now.”
“N-naaksidente?”
“Oo, nabangga ng truck ang car niya kanina. Mabuti pa pumunta ka na sa ospital, doon sa pinagtatrabahuhan niya, and let’s talk about it later.”
“Yes po.”
Nangalog ang mga tuhod ni Lanie. Parang bigla siyang nawalan ng lakas para humakbang o magsalita man lang.
Pero kailangan siya ni Justin kaya nagmadali siyang kumilos at umalis ng opisina.
Samantala. Sa boarding house.
“Mga sisterets!” humahangos si Red habang papasok sa loob.
Natataranta naman siyang sinalubong ng mga kaibigan.
“Bakit ba Sis Red?” tanong ni Mhae.
“Saglit lang, hihinga muna ko…”
“Muhang hingal na hingal ka nga, tumakbo ka ba, may humabol ba sa’yo?” tanong ni Vanessa.
“Wala naman mga sisterets, pagkagaling ko kasi sa shop, may nadaanan akong aksidente.”
“Aksidenteng ano?” si Jhona.
“Aksidente ng banggaan, isang truck at isang kotse!”
“O kumusta naman ‘yon?” si Jhona pa rin.
“Mga sisterets, yung kotse…”
“Maganda?” tanong ni Shiela.
“Type mo ang kulay no, nanghihinayang ka?” biro naman ni Vanessa.
“Hindi.” Humihingal pang iling ni Red.
“E, ano nga?” muling tanong ni Mhae.
“Kotse, yung kotse…kotse ni Justin!”
“HA?” sabay sabay at di makapaniwalang bulalas ng magkakaibigan.
“Teka, sigurado ka ba diyan?” paniniyak ni Vanessa.
“Oo, lagi kong nakikita yung kotse na ‘yon kaya hindi ako pwedeng magkamali.”
“E, si Justin nakita mo ba siya do’n?” nag-aalalang tanong ni Jhona.
Muling umiling si Red.
“Yung truck at kotse na lang ang nandoon, saka mga pulis, wala na yung mga driver… baka dinala na sa ospital!”
“Tawagan natin sina Bhing,.” Si Mhae.
“Wag na Mhae, siguradong mag-aalala lang sila habang nasa trabaho, hintayin na lang natin silang dumating at mamaya kung totoo ngang si Justin ang naaksidente, sama-sama natin siyang pupuntahan.” Si Vanessa.
“Oo nga, pahinga muna tayo, lahat tayo kadarating lang from work.” Si Jha.
Nakarating na si Lanie sa ospital. Maliliit ang mga hakbang niya papasok sa loob ng kuwarto ni Justin. Ang sabi sa kanya ng doctor bagamat hindi pa man nagkakamalay ang binata ay hindi na ganoon kakumplikado ang kondisyon nito, hihintayin na lang nila na magising ito.
Pagkakita pa lang niya sa nobyo ay nakadama na agad siya ng awa. Nilapitan niya ito at naupo siya sa upuang nasa tabi ng kama nito.
“Justin…sorry ha… sorry kung nangyari sa’yo to… alam ko aksidente to… pero nakokonsensya ko kasi… kasi hindi ko naisip na napaka unpredictable pala talaga ng buhay, na sa isang iglap pwedeng mawala tayo sa isa’t-isa… tapos mangyayari ‘yon nang hindi man lang natin naipakita sa mundo yung pagmamahalan natin… sorry kung itinago kita…kung isinekreto ko ang relasyon natin sa mga kaibigan ko…”
Hinawakan ni Lanie ang kamay ni Justin.
“Pero promise, pag gising mo, aamin na ko… aaminin na kita sa kanila… ipagsisigawan ko na sa buong mundo kung gaano kita kamahal…”
Humilig siya sa balikat nito. Nanatiling walang malay si Justin.
Dahil sa pagod at matinding pag-aalala kanina ay hindi napigilan ni Lanie ang mapaidlip habang nakasubsob ang mukha sa gilid ng kama ng boyfriend niya.
Maya-maya ay nagmulat siya ng mata at napatingin sa relo.
“Gabi na pala!”
Tumingin siya sa binata na nanatiling nakapikit.
“Justin, uuwi lang muna ko pero babalik din ako agad. Hindi muna ako papasok bukas para mabantayan kita.”
Isang masuyong halik sa noo ang iginawad ni Lanie dito bago humakbang palabas ng kuwarto.
Pagbukas niya ng pinto ay nabigla siya. Sa aktong kakatok naman si Julie. At nasa likuran ni Julie ang mga kaibigan nila.
“Lanie?” may pagtataka sa mukha ni Julie ganoon din sa iba pa.
Lahat sila ay may question mark ang mukha pagkakita nila kay Lanie.
“M-mga sisterets, magpapaliwanag ako…pero ‘wag dito please?” ani Lanie sa mahina at mababang tono ng boses.
“Talagang kailangan mong magpaliwanag sa’min, pero bago ‘yan, gusto muna naming makita si Justin. Kaya tumabi ka diyan.” Mataray na sabi ni Bhing. (Itutuloy)