Una sa Balita

This guy is mine

By
0 540

Ika-21 na labas

Nagkatinginan silang lahat at saka sabay-sabay na yumakap kay Mayla.

“Iiwan mo na pala kami, wala pa kaming kaalam-alam!” si Vanessa.

“Kelan ka aalis?” tanong ni Jhona.

“Mamaya na ang flight ko.”

“Huwat?” sabay-sabay nilang tanong.

“Kaya magre-request sana ko sa inyo na kung p’wede, ihatid n’yo akong lahat, kasi mami-miss ko kayo!” Umiiyak na sabi ni Mayla.

Muli siyang niyakap ng mga kaibigan.

“Ang daya-daya mo naman!” ani Red na pinagkukurot pa ang kaibigan sa tagiliran nito.

“Anong oras ba ang flight mo, p’wede magpadespedida ka muna, pakainin mo muna kahit saang resto mo gusto!” Hirit ni Julie.

“Bakit hindi na lang doon sa restaurant na pinapasukan nina Mhae at Shiela, malapit pa sa airport!” suggestion ni Red.

“Oo nga.” Segunda ni Shiela.

“O sige na nga, pagbibigyan ko kayo, total last hirit n’yo na’to sa’kin!” nakangiting sabi ni Mayla.

“Teka, at paano naman kaming dalawang extra?” Singit ni Mamita Divine na bumungad sa pintuan ng kuwarto.

“Dapat kasama kami d’yan, ayaw naming maiwan dito ‘no!” Si Mamu Marissa na umakbay pa kay Mamita.

“Opo, sige kasama kayong dalawa!” Pagtugon ni Mayla.

“Teka, anong sasakyan natin?” Tanong ni Mhae.

“Don’t worry mga sisterets, umarkila na ako ng sasakyan na kakasya tayong lahat, pinaghandaan ko talaga ‘to!”

“Yehey!” Parang mga batang tuwang-tuwa ang lahat maliban kay Lanie na nag-aalala sa usapan nila ni Justin.

Habang naghihintay sa tahimik na lugar na iyon ay hindi mapalagay si Justin. Nag-aalala siya na baka hindi sumipot si Lanie. Baka mangibabaw rito ang pagiging isang tunay na kaibigan.

At kung hindi nga ito darating, hindi niya alam kung ano ang mararamdaman niya. Ngayon pa lang siya nakaramdam ng ganito kaespesyal na pakiramdam para sa isang babae kaya umaasa siya at nananalangin na ‘wag sana siyang mabigo.

Samantala. Nagkakasiyahan na ang magkakaibigan sa restaurant. Bumaha ng pagkain. Pero si Lanie, hindi mapalagay. Hindi pa naman niya ibinigay ang number niya kay Justin dahil ayaw niya. At wala rin itong number sa kanya para matawagan.

Related Posts

Pero bakit nga ba siya nag-aalala ng ganito? Kung talagang mahal siya ni Justin, kahit pa hindi siya makasipot ngayon ay ipagpapatuloy pa rin nito ang panliligaw sa kanya. At mamahalin pa rin siya nito.

Humakbang na si Justin pabalik sa kotse niya. Humawak siya sa manibela subalit hindi niya magawang paandarin iyon.

“Darating siya… darating siya…”

Matapos kumbinsihin ang sarili ay binitawan niya ang manibela at sumandal saka ipinikit ang mga mata.

Walang laman ang isip niya kundi ang maamong mukha ni Lanie. Hanggang sa makatulugan niya ang pag-iisip dito. Napaidlip siya sa loob ng sasakyan.

Hindi niya namalayan ang pagbuhos ng ulan.

Pauwi na sina Lanie. Naihatid na nila si Mayla sa airport. Habang nasa loob ng sasakyan ay hindi matapus-tapos ang kuwentuhan nila tungkol sa isang iglap na pag-alis ni Mayla.

“Grabe siya ‘no, wala man lang clue na iiwan na pala niya tayo?” si Red na napapailing.

“Grabe talaga, pero at least naman naihatid natin siyang lahat.” Si Mhae.

Napatingin sila kay Lanie na tahimik lang.

“Lanie, may problema ka ba?” Tanong ni Julie.

“W-wala, bakit mo naman naitanong?”

“Kanina ka pa kasi tahimik eh, kahit nu’ng nandoon tayo sa restaurant.” Si Bhing.

“Ah, ‘yon ba, masakit lang kasi ang ulo ko kanina. Buti pa pakidaan n’yo ako sa botika, bibili lang ako ng gamot.”

“Sasamahan na kita, sis.” Volunteer ni Jhona.

“No need, kaya ko naman, saka dadaan din ako sa convenience store, may bibilhin pa’ko.”

“Sure ka ba, ayaw mong samahan ka namin o hintayin na lang kaya?” Tanong naman ni Vanessa.

“’Wag na mga sisterets, pagod na rin kayo, mauna na kayong umuwi.”

Walang nagawa ang magkakaibigan kundi ibaba si Lanie sa pinakamalapit na convenience store na nadaanan nila.

Nang masigurong malayo na ang sasakyan ng mga kaibigan ay saka naman pumara ng taxi si Lanie.

Malakas ang ulan nang dumating siya sa lugar at wala siyang dalang payong.

“Manong, pakitapat mo sa kotseng ‘yon!”

Nabuhayan siya ng loob nang makitang nakaparada pa ang sasakyan ni Justin kahit madilim na.

Bumaba siya at kinatok ang bintana ng kotse. Subalit nanatiling nakapikit ang lalaki. (Itutuloy)