Una sa Balita

This guy is mine

By
0 504

(Ika-13 na labas)

“Actually, we’re new friends, who knows we might get there!” biro ni Justin.

Umugong ang kan­tyawan.

Napalunok naman si Lanie sa biro nito. Hindi siya makatingin sa kina­roroonan ng dalawang kaibigan.

“Korek, Mr. Justin, we never know what the future holds, baka nga bukas makalawa e jowawit mo na itong si Lanie na sa pagkakaalam ko e wala pang nagiging boyfriend!”

Ganting biro rin ni Jho.

Muling umugong ang tuksuhan. Namula si Lanie.

“Well I’m just kidding guys, nasa sa inyo na ‘yan kung seseryosohin n’yo… ang isa’t isa!” hirit pa ni Jho.

Lalong lumakas ang kantyawan.

“Btw, kaya kayo ang napili ng mga judges, dahil meron silang nakitang kakaibang spark sa inyong dalawa habang kayo ay nagsasayaw, like compatibility, 90%, sweetness overload, 95% at magic 99%!”

Kapwa naiilang na nagkatinginan ang dalawa.

“Kaya naman, isang malaking CONGRATULATIONS sa inyong dalawa!” sabay abot ni Jho ng couple of the night award sa dalawa. Tag-isa sila.

“Thank you so much judges, Miss Jho, and Lanie… I really appreciate this, and I would like to acknowledge also my two friends over there, Bhing and Julie, actually they are my dates for tonight, thanks for the invite, this is also for you girls!” pasasalamat ni Justin.

“OMG, may 3rd and 4th party pala dito!” biro ng host.

Si Lanie naman ang sumunod na nagpasa­lamat.

“Salamat po sa mga judges na pumili sa’min, thank you rin sa’yo Jho and Justin, at sa inyong lahat na nandirito nga­yon and of course sa dalawa kong kaibigan, Julie and Bhing.

This is for us mga sisterets! I thank God for this!”

Hindi mawari ng dalawa ang nararamdaman sa mga sandaling iyon. Tila nagtatalo ang pagbubunyi at kalungkutan sa mga puso nila. Dapat silang maging masaya para kay Lanie pero hindi naman matanggap ng mga naninibugho nilang puso ang pagkakapanalo ng mga ito bilang couple of the night.

“Julie, ano susuko na ba tayo?” tanong ni Bhing.­

“Hindi. Hindi talaga.” Matigas na sabi ni Julie.

Nang ihatid sila ni Justin pauwi ay naging tahimik ang dalawang babae.

Pagpasok sa bahay ay nanatili pa ring tikom ang bibig ng dalawa.

“Girls, galit ba kayo sa’kin?” hindi na nakatiis na tanong ni Lanie.

“Hindi!” sabay na sagot ng dalawa pero parehong nagdadabog sa pagtatanggal ng sapatos.

Related Posts

“Kung hindi kayo galit, bakit ganyan, parang galit kayo?”

“Parang lang nga ‘di ba, so hindi, at ‘pag sinabi naming hindi, hindi!” singhal ni Julie.

Humarang si Lanie sa daraanan nila papasok ng kuwarto.

“Hindi? Hindi ako manhid. Oo na, sige na, sorry na kung ako ang napili sa couple of the night at hindi kayo, hindi ko rin naman ginusto ‘yon eh, malay ko bang ganoon ang paraan na gagawin nila sa pagpili… At sorry na rin kung pumayag ako na maisayaw ni Justin, hindi ko kasi alam kung saan ko ilalagay ang sarili ko eh, kapag tinanggihan ko siya baka sabihin niya snob ako,..pero dapat pala ‘yun na lang ang ginawa ko para hindi kayo nagkakaganito sa akin ngayon… kaya sorry na okay…”

Hindi makakibo ang dalawa.

Kinuha ni Lanie ang award at iniabot sa kanila.

‘Eto o, sa inyo na, hindi ko naman kailangan ‘to eh, hindi ito mahalaga sa akin.”

Nagkatinginan sina Bhing at Julie.

“Aanhin naman namin ‘yan?” tanong ni Bhing.

“Hindi ko alam, bahala kayo kung anong gusto niyong gawin dito…”

“Alam mo kung anong gusto kong gawin diyan?” si Julie.

“Ano?” magkasabay na tanong nina Lanie at Bhing.

“Gusto kong ipukpok ‘yan sa ulo namin ni Bhing para matigil na ang kahibangan namin kay Justin!”

Napangiti si Lanie, Sa isip niya, p’wede rin niyang gawin ‘yon dahil mukhang mahihibang na rin siya sa binata.

“O, ano nakakatawa ba?” tanong ni Julie.

“Hindi, siguro mabuti pa kung matulog na tayong tatlo, madaling-araw na, hindi na nagwo-work ang utak ko,” ani Bhing sabay hikab.

Isinoli nila kay Lanie ang award at sabay-sabay na silang pumasok sa kuwarto.

Sunday. Maaga pa ay binulabog na sila ng malalakas na katok. Dahil si Red ang pinakamaagang nagigising at kasalukyan na siyang nagluluto ng almusal kaya siya na ang tumungo sa pintuan para tingnan kung sino ang tao sa labas.

“Nakupo, si Mamu, ang aga naman!”

Dali-dali niyang tinungo ang gate para buksan iyon. Si Mamu Marissa, ang perfectionist na mommy ni Mhae. Palagi itong maingay at pinupuna ang lahat ng bagay na sa tingin niya ay wala sa ayos.

“MAMU!”

Nakipagbeso si Red.

“Good morning Red, asan sila?”

“T-tulog pa po, pero pagkaluto ko ng almusal gigisingin ko na sila, tara na po sa loob.”

“Naku, naku, naku, hindi pwede ‘yan, ano gigising na lang sila kapag nakahain na ang pagkain?” umpisang dakdak ni Mamu Marissa habang papasok sa loob ng boarding house. (Itutuloy)