Una sa Balita

Gustong mag-apply ng annulment

By
0 44

Dear Attorney Claire,

Magandang araw po sa inyo. Bago po ikasal ang anak kong babae ay ipinapangalan na namin sa kanya ang titulo ng lupa na naipundar namin. After 1 year ng kanilang kasal ay nais ng anak kong mag-apply ng annulment. Ang tanong ko po kung maaprubahan and annulment petition, may karapatan ba ‘yung naging asawa ng anak ko sa mga lupa na nakapa­ngalan sa kanya before the marriage? 

Maraming Salamat po.
Manny

Mr. Manny,

Good day!

Naniniwala ako na Family Code (August 3, 1988) na ang umiiral na batas bago ikinasal ang anak ninyo. Ang mga property relationship under the Family Code ay complete separation of property, conjugal partnership of assets o absolute community of property. Kung nagkataon na walang prenuptial agreement ay absolute community of property ang siyang iiral sa relasyon nila. Sa absolute community of property – ang lahat ng property ng bawat isa na nabili, namana, binigay o na-acquire noong single pa sila ay magiging property na nilang pareho matapos makasal kaya ‘pag nagkahiwalay ay 50-50 ang hatian nila.

Kung ayaw nila na pairalin ang absolute community of property ay maaari silang gumawa ng prenuptial agreement bago ikasal. Maaari nilang pagkasunduan na complete separation of properties o conjugal partnership. Sa complete separation of properties ay mananatiling kanya-kanya ang kanilang ari-arian at sa conjugal partnership naman ay tanging ari-arian na naipundar nila habang kasal ang magiging kanilang kapwa pag-aari.

Ang property na naipangalan ninyo sa anak ninyo bago ikasal ay magiging parte ng absolute community of property nila; at ang asawa niya ay magkakaroon na ng karapatan sa nasabing mga ari-arian – ito ay kung wala silang prenuptial agreement. Sa kanilang paghihiwalay ay mabibigyan ang asawa ng kalahati ng parte sa lahat ng property na naipangalan sa kanya bago ikasal.

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410-7624/922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com