Una sa Balita

Guro, 7 studes patay sa Japan avalanche

By
0 2

Aabot sa pitong mag-aaral at isang guro ang nasawi matapos matabunan ang mga ito ng yelo sa naganap na avalanche sa isang Japanese ski resort.

Ayon sa ulat ng CNN, kinumpirma ng local fire department na bangkay na nang matagpuan ang mga biktima matapos matabunan ng yelo kung saan ang sama ng panahon ang naging dahilan para mahirapan ang mga rescuers sa paghanap sa mga bangkay ng biktima.

Bago ang trahedya, nagsasagawa ng ski at climbing lessons ang nasa 50 mag-aaral bilang bahagi ng mountainee­ring group sa Nasu Onsen Family Ski Area sa Mount Nasu sa Tochigi Prefecture nang mangyari ang pagguho ng mga nakaimbak na yelo.

Rumagasa pababa ang avalanche sa gilid ng bundok malapit sa ski slope sa Nasu, na inaakyat ng 40 high school students na may kasamang walong guro.

Sugatan ang 38 na iba pang kasama sa grupo, habang ang dalawa ay nasa kritikal na kondisyon.

Iimbestigahan naman ng mga awtoridad kung bakit nagpatuloy ang grupo sa mountain climbing, gayong itinaas na ng local meteorological observatory ang avalanche warning sa nasabing lugar nang mangyari ang aksidente.