Una sa Balita

Gumawa ng ‘last will and testament’

By
0 406

Dear Atty. Claire,

Ako po ay may -asawa at kinasal kami noong 1981. Mayroon akong namanang mga lupain at kaunting ari-arian mula sa mga magulang ko noong mga taong 1987.

Wala kaming naipundar ng aking asawa dahil iniwan niya kami ng anak niya, isang taon bago ako nakapanganak noong 1983 dahil nakisama siya sa ibang babae at ngayon ay may anak siya sa babae niya.

Ngayong matanda na ako at gusto ko nang ilipat ang ibang ari-arian ko sa aking anak dahil baka pag nawala na ako ay magmana pa ang asawa ko. Ano po ang gagawin ko para masigurado ko na walang makukuha itong asawa ko?
Gumagalang,

Nieves
***
Dear Mrs. Nieves,

Sa kuwento po ninyo ay lumalabas na exclusive property ninyo ang lahat ng ari-arian na namana ninyo sa inyong mga magulang. Dahil sa sarili ninyong ari-arian ito ay walang anumang interes ang iyong asawa dahil hindi ito parte ng conjugal assets ninyo. At dahil rin dito ay maaari ninyong i-dispose o ibenta o isalin ang ownership ng inyong ari-arian habang kayo ay nabubuhay nang hindi kailangan ang anumang consent o pahintulot mula sa inyong asawa.

Maaari na ninyong i-donate ang o ibigay ang ari-arian ninyo sa inyong anak sa pamamagitan ng Deed of Donation. Siguraduhin lamang na dapat na may acceptance o pagtanggap ang donee (‘yung binibigyan o beneficiary ng donation).

Kung nais na panatilihin na sa inyo pa rin ang karapatan na gamitin ito habang kayo ay nabubuhay ay ilagay na kondisyon na ang pag-aari ay ililipat sa donee ngunit ang karapatang mamahala o magamit ang ari-arian ay mananatili sa donor habang nabubuhay ang donor.

Upang masiguro na hindi magmamana ang inyong asawa ay gumawa kayo ng Last Will and Testament at doon ilagay na dahilan ng pag-disinherit sa inyong asawa tulad ng lantarang pambababae at sa pag-iwan sa inyo.

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410- 7624 o mag email sa attorneyclaire@gmail.com