Una sa Balita

Gumandang serbisyo sa tapat na presyo ng LRT 1

0 357

Malaki na ang iginanda ng serbisyo ng LRT 1 mula nang maibigay sa Light Rail Manila Corporation (LRMC) ang pamamahala nito.

Sa ngayon, pansin naman nating lahat na nababawasan na ang mga reklamo ng mga mananakay ng LRT 1.

Ang 20 istasyon ng LRT 1 ay kapuna-punang mas malinis, mas maliwanag at hindi na gaanong nagsisiksikan. Maging ang mga palikuran na dating hindi masikmura ng mga mananakay ay naging katanggap-tanggap na.

Kung dati-rati ay tila sardinas na siniksik sa mga bagon ang kaawa-awang pasahero, ngayon ay nakakahinga na sila nang maayos. Umigsi na rin ang mga pila gayundin ang oras ng pag-aantay sa tren na dati’y nasa limang minuto o mahigit pa. Ngayon ay nasa 3.5 minuto na lamang ang paghihintay sa pagdating ng tren.

Bukod dito, dinagdagan pa ang biyahe kada araw at pinahaba ang oras ng operasyon mula 4:30 ng madaling-araw hanggang alas-10:15 ng gabi kapag weekends. Ito’y dahil nadagdagan ang gumaganang Light Rail Vehicles (LRVs) dahil naisaayos na ang mga lumang bagon. Laking benepisyo nito para sa mga taong inaabot ng gabi pati na ang mga empleyado ng call centers.

Sa loob lamang ng apat na taong pagma-manage na ginagawa ng LRMC, nakapag-install ng 560 CCTVs sa mga istasyon upang mas mapangalagaan ang seguridad ng lahat partikular ng mga mananakay.

At hindi lamang ang mga pasilidad ang inalaagaan ng LRMC kundi pati ang kanilang mga empleyado na isinailalim sa pangkalahatang safety training course upang mas maayos nilang magampanan ang kanilang trabaho at pagseserbisyo sa publiko.

Sa gitna ng mga pagbabagong ito, naging tapat ang LRMC kung paano ginagastos ang pondo para sa rehabilitasyon ng LRT 1 kasama na rito ang: P1B para sa pag-aayos ng structural defects upang matiyak na hindi agad-agad bibigay ang buong istraktura kung may kalamidad; P465M sa pagpapalit ng mga riles para sa mas ligtas na pagbiyahe; P650M sa rehabilitasyon ng electrical sub-stations; P1.1B para makumpuni ang mga luma at siradong bagon, breaks, mga pintuan kasama na ang airconditioning system ng mga tren.

Ipinapakita ng mga progresong ito sa LRT 1 na kung tapat ang serbisyo at maayos na nagagamit ang mga pondo, gumaganda ang operasyon at serbisyo. Kung bawat sentimong inilalaan ng gobyerno ay hindi napupunta sa bulsa ng sinumang indibidwal o grupo, isa-isa ring natutugunan ang samu’t saring problemang may ilang taon ding nagpalugmok sa LRT 1.

Sa mga susunod na taon, inaasahang mas gaganda pa ang LRT 1 lalo na kapag nabuksan ang mga karagdagang istasyon na mas magi­ging komportable, mo­derno at tunay na aangkop sa ­pangangailangan ng daan-daang libong pasahero nito.

Nasa tapat na serbisyo ang sikreto!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More