Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Gulay smuggling mula China binabagsak mga magsasakang Pinoy

0 296

Hinihiling ng isang dating kongresista sa gobyerno na pigilan ang pagpasok ng smuggled na gulay mula China na lubhang nakakaapekto sa kabuhayan ng mga magsasaka sa bansa.

Ayon kay dating Ifugao congressman at ngayon ay senatorial candidate Teddy Baguilat , dapat maghigpit ang Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BoC) upang pigilan ang iligal na negosyong.

“Simula noong isang taon, ang ating mga magsasaka ay nagdurusa dahil sa epekto ng pandemya ng COVID-19 dahil sarado ang mga merkado na dati nila dinadalhan. Kapag na-smuggle ang mga gulay mula China, may yumayaman maliban sa ating mga magsasaka. “Agad-agad bagsak ang presyo ng mga lokal na gulay dahil hindi makalaban sa mga ini-smuggle na gulay,” ayon kay Baguilat.

Ang pagdagsa sa mga pamilihan ng mga ini-smuggled na gulay ay lubhang makakaapekto sa kabuhayan ng mga Pilipinong magsasaka at sa food security ng bansa.

Base sa ulat ng United Nations’ Food and Agriculture Organization (FAO), nasa 59 milyong Pilipino ang nakaranas ng food insecurity, o bahagya hanggang malubhang kawalan ng pagkuha ng pagkain.

“Ang ating mga magsasaka ay may pamilyang dapat pakainin at mga trabahador na dapat paswelduhin. Paano sila makakalaban ng patas kung ang ating gobyerno ay maluwag sa pagpigil ng pagpasok ng mga iligal na gulay mula China? Sila ay lubhang tinamaan dahil sa pandemya dahil hindi nila madala ang kanilang mga ani sa Metro Manila at mga probinsiya dahil sa batas na ipinapatupad,” paliwanag ni Baguilat.

Matatandaang nasabat noong nakaraang linggo ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang mga iligal na gulay mula China na nagkakahalga ng P15 milyon.

Ang naturang shipment ay idineklarang frozen vegetable pero ito pala ay mga sariwang gulay na bawal sa batas.

Si Baguilat ay tumatakbo sa ilalim ng team ni Vice President Leni Robredo. (Vick Aquino)

Leave A Reply

Your email address will not be published.