Una sa Balita

Gulay, prutas na may abo ligtas kainin — DOH

0 253

WALANG nakikitang peligro ang Department of Health (DOH) sa pagkain ng mga gulay na tinamaan ng ash fall mula sa pagsabog ng Bulkang Taal.

Ito ang inihayag ni Health Undersecretary Eric Domingo sa harap ng pangamba ng mga mamayan na baka makasama sa kalusugan ang pagkain ng mga gulay na naapektuhan ng abo mula sa pumutok na bulkan.

Ayon kay Domingo, hugasan lamang mabuti ang gulay at prutas na naapektuhan ng abo bago kainin.

Hindi aniya ito katulad ng buhay na hayop at isda na posibleng nakalanghap ng masamang kemikal mula sa bulkan kaya ipinagbabawal muna ang pagkain sa mga ito.

“‘Yung gulay wala pong problema ‘yun basta hugasan lang ‘yun ‘no, ‘yung gulay at saka prutas na nalagyan ng abo. Basta hugasan lang ng mahusay ‘yun at linisin puwedeng kainin ‘yun. Pero ‘yun pong buhay na hayop, ‘yung mga isda nakaka-ingest kasi sila ng toxins and until we are sure, we advise the public to please refrain, just for caution,” ani Domingo.

Muling nanawagan ang DOH sa mga mamamayan ng Batangas na huwag munang kumain ng isdang galing sa Taal Lake dahil hindi pa aniya masabi ng mga eksperto kung may hatid na peligro sa tao ang mga ibinugang abo at iba pang bagay mula sa bunganga ng bulkan.

“Habang hindi tayo sigurado, might as well be cautious ‘no because we know that toxic substances have been thrown out of the volcano and na-dissolve ‘yan sa tubig natin ‘no. At kung makikita natin kung enough siya para pumatay ng isda at pumatay ng hayop then ‘pag na-ingest natin ito maaaring mailipat sa katawan ng tao itong mga toxins na ‘to,” dagdag pa ni Domingo. (Aileen Taliping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More