Una sa Balita

Guiao, Team ‘Pinas aasa sa suwerte

0 772

OPTIMISTIKO si Team Pilipinas coach Joseller ‘Yeng’ Guiao na makakakuha ng paborable o magandang ‘draw’ ang pambansang koponan para sa patutunguhang bracket sa 18th FIBA Basketball World Cup 2019 Draw ngayon sa Shenzhen, China.

Sinabi ni Guiao na may magagandang tsansa ang PH 5 upang makatuntong sa kauna-unahang pagkakataon sa Summer Olympic Games. Pero nakasandig ang nasabing mga tsansa sa magiging resulta ng krusyal na draw na gagawin nina NBA superstar Kobe Bryant ng Estados Unidos, World Cup Ambassador Yao Ming ng host country at singer Jason Derulo.

Ipinaliwanag ni Guiao na isa sa posibleng daan para makabalik ang Pinoy quintet sa Olympics ay maging ‘Best Asian Team’ sa World Cup sa parating na Agosto 31-Setyembre 15.

“I am really praying for a good draw,” wika ni Guiao. “Talagang umaasa ako sa sinasabi nila na “luck of the draw” dahil kung medyo pantay lang tayo sa mga makakagrupo natin at magagawa nating manalo ng dalawang laro, malaki ang tsansa natin na makuha ang pinakamataas na placing after the group round.”

Isasagawa ang FIBA Basketball World Cup 2019 Draw sa Shenzhen Bay Arena sa Mainland kung saan ang proseso sa pagdedetermina sa mga grupo at daan para sa kokoronahang world champions ang tampok na aktibidad maski puno ng mga iba’t ibang pakulo tatlong araw bago ang draw.

Tanging kinababahala ni Guiao ang pabor o bentahe ng China bilang host ng torneo kung saan hawak nito ang karapatan na pumili ng kanilang mapupuntahang grupo o hanapin ang pinakamahinang grupo na malaki ang tsansa nitong manguna at makausad sa susunod na yugto.

“Hawak kasi ng China as host na makakapili sila ng kanilang grupo na gustong mapuntahan. So siyembre pipiliin na nila iyung grupo na kaya nilang talunin ang mga kagrupo nila. Pero kami, umaasa na makakaya natin na manalo at makausad sa sunod na round. Bahala na kung ano mangyari after that. Sana maganda ang placings natin,” wakas ni Guiao.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy